MANILA, Philippines – Makaaapekto ang trough ng Low Pressure Area (LPA) at localized thunderstorms at magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa Martes, iniulat ng PAGASA.
Patuloy namang binabantayan ng weather bureau ang mga aktibong tropical cyclone sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Hanggang alas-3 ng umaga noong Martes, ang tropical depression (dating Jenny) ay nasa 1,025 kilometro kanluran ng extreme Northern Luzon na taglay ang maximum sustained winds na 45 kilometers per hour, pagbugsong aabot sa 55 km/h, at mabagal na kumikilos sa direksyong kanluran timog-kanluran.
Samantala, ang Bagyong Bolaven ay nasa layong 2,385 km silangan ng hilagang-silangan ng Mindanao na taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 km/h, pagbugsong aabot sa 150 km/h, at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Ang Mindanao, Bicol Region, Silangang Visayas, at Gitnang Visayas ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa labangan ng LPA na maaaring magdulot ng mga pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa trough ng LPA at localized thunderstorms. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring mangyari sa panahon ng matinding bagyo.
Sumikat ang araw bandang 5:47 a.m.,at lulubog ito ng 5:40 p.m. RNT