KUNG sa akala ninyo, eh, sa Pinas lang nangyayari ang pagkarnap at pagtsap-tsap ng mga sasakyan para ibenta ang mga piyesa ng mga ito, nagkakamali kayo.
Meron din sa ibang mga bansa, gaya sa United Kingdom, partikular sa South Yorkshire.
May mga raid na isinasagawa ang mga pulis ukol dito at matagumpay naman.
Dalawang shop o garahe na ang nadidiskubre nilang doon kinakalas ang mga sasakyan para ibenta ang mga piyesa.
Isa sa Spotbrough, Doncaster at isa sa Rossington.
Nauna rito, may kinarnap na sasakyan kaya hinanap ito at doon na nadiskubre ang tsap-tsapan.
Unang nadiskubre ng mga pulis ang isang chop-shop kung tawagin nila sa Rossington.
May 300,000 pounds o P21 milyon mga piyesa ang natagpuan.
May marihuwana pa.
Akala ng mga pulis, solb na ang karnapping.
‘Yun pala, hindi pa.
Nitong nagdaang mga araw lang, meron ulit nakarnap at sa Doncaster naman natagpuan.
Doon may dalawang bagong Defender na gawa ng Land Rover at dalawang Volkswagen na natsap-tsap at tsinatsap-tsap pa.
‘Yang Defender, mga brad, eh, mahigit sa P6 millyon ang isa sa Pinas…kung bago.
Ang Volkswagon naman, nasa P4 milyon ang isa.kung bago.
Hayun, mga chassis, gulong, pintuan, nguso, ilaw, side mirror, bumper, computer box, transmission, king pin, cylinder head, radiator at iba pa.
Sa Luzon, ganyan din na may mga sikat na lugar na tsap-tsapan at bentahan ng mga piyesa.
May mga tinatawag pa nga na carnapping capital sa Pinas at doon din matatagpuan ang mga auto supply na nagbebenta ng mga second hand na piyesa.
Siyempre pa, naihahalo na ang mga second hand na piyesa mula, halimbawa, sa South Korea at Japan.
May mga auto supply ring nasa ilalim ng mga tubig at doon kinukuha ang mga piyesa.
Pero nagagawa ito sa Pinas sa rami nang nangangarnap, kasama na ang mga iskalawag na pulis.