MANILA, Philippines- Agad na tumugon ang China sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kasunduan sa pagitan ng Manila at Beijing na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Araw ng Miyerkules, pinabulaanan ng Pangulo ang ulat na diumano’y may kasunduan sa pagitan ng China at Pilipinas ukol sa nasabing usapin at kung sakali man na mayroon ay ipinawawalang-bisa niya ito.
Sa naging panayam sa ilang diplomatic sources mula China, tinanong ito kung handa silang magpakita ng pruweba ng nasabing pangako.
“What’s the point [of us doing] that if any agreement will be rescinded,” ayon sa diplomatic source.
Pinanindigan ng China na may pangako ang gobyerno ng PIlipinas na alisin ang World War II-era ship mula Ayungin Shoal.
“Over this matter, China had repeatedly made representations to the Philippines and renewed the same demand,” ayon sa position paper na inilathala ng China noong 2016 ukol sa pag-aayos ng usapin sa South China Sea.
Ang mga dokumento ay ibinahagi sa CNN Philippines.
“In November 1999, the Chinese Ambassador to the Philippines met with Secretary of Foreign Affairs Domingo Siazon and Chief of the Presidential Management Staff Leonora de Jesus to make another round of representations. Many times, the Philippines promised to tow away the vessel, but it has taken no action,” ang nakasaad sa dokumento.
Tinuran pa ng China a nagsagawa sila ng panibagong representasyon noong 2003 kasama si dating acting Foreign Affairs Secretary Franklin Ebdalin, na nagbigay ng katiyakan na ang Pilipinas ay hindi magtatayo o bubuo ng pasilidad sa Ayungin Shoal.
Ang mga taon na binanggit ng China ay sakop ang termino nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi naman ng isang Beijing diplomat na ang ilang pag-uusap ukol sa Ayungin Shoal ay “gentlemen’s agreement” at internal understanding.
“Facts are proven that the gentlemen’s agreement maintained stability in Ren ’ai Reef (Ayungin Shoal),” ayon sa diplomat.
Gayunman, ikinalungkot ng China ang kamakailan na pagbabalewala umano ng Pilipinas sa nasabing kasunduan.
“This has raised concern for the Chinese people,” ayon sa diplomat.
“Warning signals have been sent by the Chinese side, but the Philippines disregarded our warnings. The dishonesty on the commitment precedes China’s reactions,” dagdag na pahayag ng Beijing diplomat.
Samantala, inulit naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na ang Ayungin Shoal ay isang “low-tide elevation” na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at “it cannot be appropriated or subjected to sovereignty claims.”
Hiniling naman ng DFA sa China na ipag-utos sa vessels nito na itigil ang illegal actions laban sa Philippine vessels, panghihimasok sa lehitimong aktibidad ng gobyerno ng Pilipinas at sundin ang 2016 Arbitral Award at international law. Kris Jose