MANILA, Philippines – HINDI pinagkakaisahan ng Pilipinas, Estados Unidos, Japan, at Australia ang China dahil sa pagsasagawa ng joint naval drills ng apat na bansa sa South China Sea.
“Japan, US, Australia and the Philippines are not—I repeat—not ganging up on China. We are doing this for our own interests,” ayon kay Lt. Gen. Romeo Brawner, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga mamamahayag sa sidelines ng National Heroes’ Day commemoration rites sa Libingan ng mga Bayani saTaguig City.
“Pati ang mga bansa na ito they have their own interests. And when we get together as like-minded nations, we achieve more,” ang dagdag na wika ni Brawner.
Sa ulat, ang joint naval exercises ay sinimulan mayapos ang komprontasyon sa Ayungin (Second Thomas) Shoal ng West Philippine Sea sa unang bahagi ng Agosto, nang harangin ng Chinese Coast Guard (CCG) at bombahin ng water cannons ang Philippine Coast Guard vessels na nagtangkang mag-resupply sa mga Filipino troops na naka-garrison sa pinagtatalunang teritoryo.
Habang nagdeklara ang Estados Unidos, Japan at Australia ng suporta para sa Pilipinas at hayagang kinondena ang ginawa ng Beijing kasunod ng insidente, mabilis naman ang ginawang paglilinaw ni Brawner ukol sa joint drills, sinabi nito na ang joint drills ay hindi na bago sa Philippine military at hindi ito nakatuon para tugunan ang “one specific country.”
“It is very good that we interact with other militaries because in that way, we develop our capabilities, in terms of training, especially in the use of modern weapons, tactics, at bukod doon nagiging interoperable tayo,” ayon kay Brawner.
Samantala, hindi na magpapadala ang AFP ng military officers sa China para sa pagsasanay bilang tugon sa patuloy na pang-aagaw ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).
Simula 2004, nagpapadala na kasi ang Pilipinas ng military officers sa Beijing sa ilalim ng defense cooperation agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
“Pero sa ngayon po dahil sa nangyayari sa South China Sea ay ihinto muna natin ang pagpapadala ng opisyales sa China,” ani Brawner.
Tinuran pa ni Brawner na bunsod ng nabuhay na tensyon sa South China Sea, mukhang malabo na ang panukala ng Beijing na pagsasagawa ng joint drills kasama ang Maynila, maliban lamang kung ititigil ng China ang “coercive and dangerous tactics” nito sa pinagtatalunang katubigan.
“We believe in the promotion of a rules-based international order. At iyon ang hiling natin sa China na sumunod sila,” ayon kay Brawner.