MANILA, Philippines- Handang ipagpatuloy ng China ang dayalogo at konsultasyon sa Pilipinas ukol sa maritime issues kasunod ng kamakailan lamang na insidente sa West Philippine Sea (WPS).
“China stands ready to continue to properly handle maritime issues with the Philippines through dialogue and consultation,” ang nakasaad sa kalatas ng embahada ng China sa Pilipinas.
Nauna rito, binomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na patungong Ayungin Shoal noong Sabado para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Dahil dito, mariing kinondena ng PCG ang mapanganib na mga maniobra at iligal na paggamit ng water cannon ng CCG laban sa kanilang mga sasakyang-dagat na nag-escort sa mga katutubong bangka na chartered ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para maghatid ng pagkain, tubig, gasolina, at iba pang suplay sa mga tropang militar na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
“With a view to upholding maritime stability, we hope that the Philippines will meet China halfway and make joint efforts to start negotiation on above initiatives soon,” ayon sa embahada.
Sinabi pa ng embahada na naghihintay aniya ang China sa magiging tugon ng Pilipinas matapos na magbigay ang Beijing sa Manila ng maritime initiatives ngayong taon, kabilang na rito ang pamamahala o pangangasiwa sa sitwasyon sa Ren’ai Jiao, pangalan ng Tsina para sa Ayungin Shoal.
Muling iginiit ng Chinese embassy na ang Ren’ai Jiao ay bahagi ng China.
“China made it clear to the Philippines that it shall not send construction materials meant for overhauling and reinforcing the ‘grounded’ military vessel on a large scale, and suggested that the two sides hold talks as soon as possible on ways to manage the situation at Ren’ai Jiao, which is a clear display of China’s goodwill and sincerity,” ayon sa embahada.
Gayunman, ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang Ayungin Shoal ay bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Kris Jose