MANILA, Philippines- Dapat ihiwilay ang tensyon sa South China Sea (SCS) mula sa “normal cultural and people-to-people exchanges”, ayon sa China nitong Miyerkules.
Ito ang inihayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning nang tanungin ukol sa pagbabawal ng Vietnam na ipalabas ang “Barbie” movie.
“China’s position on the South China Sea issue is clear and consistent. We believe that the countries concerned should not link the South China Sea issue with normal cultural and people-to-people exchanges,” pahayag ni Mao.
Ipinagbawal ng Hanoi ang domestic distribution ng live action doll film na pinagbibidahan nina Margot Robbie at Ryan Gosling dahil sa isang tagpo kung saan ipinakita ang kontrobersyal na nine-dash line ng China.
Noong July 2016, ibinasura ng UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague, base sa kasong inihain ng Pilipinas, ang nine-dash line theory ng China na umaangkin sa kabuuan ng SCS.
Pinagtibay ng desisyon ang claim ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo batay sa exclusive economic zone nito sa ilalim ng 1982 UNCLOS.
Hindi naman nakilahok ang Beijing s legal proceedings at patuloy na hindi kinikilala ang desisyon ng arbitral tribunal.
Sinabi ng Movie and Television Review and Classification Board nitong Martes na binubusisi ng Committee on First Review kung papayagan ang commercial release ng pelikula sa Pilipinas. RNT/SA