Home NATIONWIDE Tsinong may kasong kidnapping hinarang paalis ng Pinas

Tsinong may kasong kidnapping hinarang paalis ng Pinas

HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na kinasuhan ng pagkidnap at pagkulong sa isang kababayan nito sa Pampanga, tatlong taon na ang nakararaan, matapos nitong tangkaing umalis ng bansa.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI ang pasahero na si Hu Zhen, 25, na naharang noong Lunes sa NAIA terminal 3 bago ito makasakay sa kanyang flight papuntang Singapore.

Nabatid na pinatigil si Hu sa pag-alis matapos kumpirmahin ng mga immigration supervisor na naka-duty na siya ay napapailalim sa isang outstanding hold departure order (HDO) na inisyu ng regional trial court sa Angeles City.

“He is required to his court case before he can have his name lifted from the bureau’s hold departure list, as he claimed that said case was already dismissed,” ani BI-BCIU overall deputy chief Joseph Cueto.

Batay sa rekord, sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention para sa ransom si Hu at tatlong iba pang Chinese national sa Angeles City RTC Branch 56 noong Marso 30, 2020.

Inakusahan ng mga tagausig na noong Peb. 28, 2020 ang apat na akusado ay nagsabwatan kung saan higit dalawang linggo umano nilang binihag ang biktima na kapwa nila Chinese at humingi ng ransom na 300,000 Renminbi para sa kanyang paglaya. Gayunpaman, pinalaya siya nang iligtas ng isang pangkat ng mga pulis mula sa anti-kidnapping task ng PNP noong Marso 15, 2020.

Pinuri ni Tansingco ang mga tauhan ng BI na humarang sa pagtatangka ni Hu na tumakas sa bansa.

“His attempt to flee was foiled by our officers,” ani Tansingco. “Because of his existing HDO, we cannot allow him to leave until he faces the case filed against him,” biit pa ni Tansingco. JAY Reyes

Previous article2 wanted na bebot tiklo paglapag ng airport
Next articleRail projects sa Pinas bibilisan ng DOTr