Home OPINION TUBIG AT KURYENTE NGAYONG KUWARESMA

TUBIG AT KURYENTE NGAYONG KUWARESMA

SA panahon ng kuwaresma, madalas na nararanasan ng taumbayan ang kakulangan sa suplay ng tubig at malawakang brownout lalo na sa mga itinuturing na malaking populasyong mga lugar kabilang na ang kalakhang Maynila.

Batid ng sambayanan na nagmumula sa malalaking dam, na unti-unting natutuyo bunsod ng tag-init, ang tubig na iniinom at ginagamit sa pagluto ng mga residente ng Kamaynilaan na sadyang nagkukulang ngayong panahon.

Halos ganito rin ang epekto kaugnay sa kakulangan ng kuryente kapag tag-init kung saan mataas ang demand bunsod sa maalinsangan ang panahon kaya naman hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng power interruptions na malaking abala rin sa konsumedores o gumagamit.

Hindi pa kabilang ‘dyan ang mga kababayan natin sa mga liblib na lugar na kung mayroon mang tubig marumi naman pinagtatiyagaan na lang inumin kesa sa matuyuan ng tubig ang katawan na ugat naman ng dehydration.

Oo nga’t may mga ilog at sapang makukuhanan ng tubig subalit marami pa rin sa mga kababayan natin ang nagkakasakit sa mga lugar na ito dahil saksakan ng dumi ang kanilang tubig na iniinom dulot ng walang water system na nagsusuplay sa pangangailangan nila.

Kaya naman kaliwa’t kanang proyekto ang isinasagawa ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matugunan ang suliraning ito ng bansa at problema na rin ng sanlibutan.

‘Andyan ang pagpapatupad ng rehabilitasyon at repair ng mga Water District sa ilang lalawigan at bayan ngunit iilan lang ba sila kung ikukumpara sa milyones na mamamayan na nangangailangan ngayon ng tubig?

Maging ang ipinagagawa ng ilang kongresista na solar powered pumps sa malalayong barangay ay hindi sapat sa pangangailangan ng komunidad.

Ibig sabihin,kailangan ngayon na magtulong-tulong ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng sapat na pondo ang lokal na pamahalaan na makapagpagawa ng water system sa mga lugar na ito pareho nang ipinatutupad na mga proyekto ng Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan o KALAHI at Department of Interior and Local Government sa ilalim ng Bottom-up Planning and Budgeting o BUB na mga programa nito.

Sa isyu naman ng kuryente, ito ‘yung mistulang maliliit na gen-set na inilalagay sa kasuluk-sulukan ng bansa na sadyang nagbibigay ng liwanag sa nakararaming kababayan na matagal nang nabubuhay sa karimlan.

Previous articleAYON SA MGA SARBEY
Next articleNasa 50 barko sa WPS namataan ng Navy!