
MAHIRAP ispelingin ang giyera, lalo na ang mga ginagamit na pamatay sa isa’t isa ng mga naglalabanan.
Sa Russia-Ukraine war, pinasabog ang malaking Nova Kakhovka dam sa Kherson, Ukraine at nagtuturuan ang nasabing Russia at Ukraine kung sino ang may kagagawan.
Nasa 40,000 katao mula sa 80 bayan at barangay ang ibinabakwit dahil sa baha mula sa dam at apektado na rin ang Crimea na sakop ng Russia.
Wala pa namang naiuulat na nasawi o nasusugatan bagama’t maraming bahay na ang nalunod o nasira dahil sa lakas ng agos at dami ng tubig mula sa dam.
Nawalan na rin ng suplay ng tubig ang mga residente at magsasaka, gayundin ang Zaporizhzhia nuclear power plant na nangangailangan ng tubig para sa cooling system nito.
Kung mangyari ito sa Pinas, partikular sa Metro Manila, mga brad, paano mo haharapin ang kawalan ng tubig kung may magpapasabog sa Angat dam?
Mahigit 90 porsyento ng tubig na konsumo ng Metro Manila ang galing sa Angat dam at magiging biktima ang 15 milyong residente nito.
Naiisip ba ninyo kung gaano kahirap ang mawalan ng tubig sa matagal na panahon, halimbawa, ang panahong pagkumpuni sa dam?
Eh sa Ukraine, hangga’t may giyera, walang magre-repair sa kinanyon na bunganga ng dam.
Siyempre pa, may mga magsusuplay mula sa iba’t ibang lugar at may magmamadaling gamitin ang tubig ng Laguna de Bay.
Marami ang tubig mula sa Laguna de Bay pero gaano kaligtas ang tubig mula rito na may problema sa polusyon at lason mula sa mga kabahayan at pabrika sa paligid?
Sana, maligtas tayo sa giyera at hindi natin danasin ang dinaranas ng mga taga-Kherson na matapos mabaha, tiyak na magkakaroon ng malawakan at matagalang gutom at paghihirap sa kawalan ng tubig para sa kanilang mga sakahan, hanapbuhay, kuryente at iba pa.