Home NATIONWIDE Tubig sa Angat Dam kapos na sa minimum operating level

Tubig sa Angat Dam kapos na sa minimum operating level

MANILA, Philippines- Bumaba pa sa minimum operating level ang water level sa Angat Dam nitong Huwebes, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa pinakabagong Dam Water Level Update, sinabi ng PAGASA na pumalo ang water level sa Angat Dam sa 179.68 metro mula 180.07 noong Miyerkules.

Ang minimum operating level ng Angat Dam ay 180 metro.

Sinusuplyan ng Angat Dam sa Bulacan ang halos 90% ng kinakailangang tubig sa Metro Manila, Rizal, at ilang lugar sa Cavite at Bulacan.

Noong May 17, inanunsyo ng National Water Resources Board (NWRB) na tinapyasan nito ang water allocation para sa Metro Manila.

Ibinaba ang alokasyon para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) mula 50 sa 49 cubic meters per second hanggang pagtatapos ng Mayo.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), hindi ito nangangahulugang maaantala ang suplay ng tubig.

Subalit, nakararanas na ang mga saklaw na lugar ng bahagyang paghina ng pressure sa off-peak hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Bukod sa Angat Dam, bumaba rin ang water level sa iba pang dam tulad ng La Mesa, San Roque, at Caliraya nitong Huwebes.

Idineklara ng PAGASA noong March 22 ang pagsisimula ng tag-init sa bansa. Nauna nitong inanunsyo na nag-umpisa na ang El Niño phenomenon noong July 4, 2023. RNT/SA