Home METRO Tulak arestado sa P6.8M shabu sa Caloocan

Tulak arestado sa P6.8M shabu sa Caloocan

MANILA, Philippines- Nadakip ng pulisya sa isang umano’y tulak ng ilegal na droga na itinuturing na High Value Individual (HVI), matapos makuhanan ng P6.8 milyong halaga ng shabu matapos sa buy-bust operation Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Kinilala ni P/Maj. Jeradson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong suspek na si alyas “Francis” 29, aircon technician sa Block 9 Lot 16 Tanigue St. Samatad Compound, Brgy. 14, Dagat-dagatan.

Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Maj. Rivera na ilang linggong minanmanan ng kanyang mga tauhan ang umano’y illegal drug activities ni ‘Francis’ hanggang sa magawa nilang makipagtransaksyon sa suspek.

Dakong alas-12:25 nang ikinasa ni Maj. Rivera at P/Capt. Regie Pobadora ang buy-bust operation, katulong ang Caloocan Police Sub-Station 4 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa loob mismo ng kanyang bahay matapos bentahan ng P8,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nasamsam sa loob ng tirahan ni ‘Francis’ ang humigit-kumulang 1,000 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000, buy-bust money, plastic na supot na may Chinese character at isang bag na itim.

Ayon sa pulisya, inihahanda na nila ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Artilce II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act na kanilang ihahain sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa suspek. Rene Manahan