MANILA, Philippines- Shoot sa kulungan ang isang bebot na sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City, Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek na si Rhodalyn Domingo alyas “Rhoda”, 43, ng 174 Julian Felipe St., Brgy. 8, Caloocan City.
Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt Alexander Dela Cruz ang suspek matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa suspek ang pitong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigit-kumulang P208,080 halaga ng hinihinalang shabu, buy-bust money at pouch.
Nauna rito, nakatanggap ang mga operatiba ng SDEU na nagbebenta umano ng shabu ang suspek kaya ikinasa nila ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip kay Domingo sa M. H Del Pilar, Brgy. Tugatog.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura