Home METRO Tulak tiklo sa P374K shabu

Tulak tiklo sa P374K shabu

MANILA, Philippines- Pansamantalang nasa kustodiya ng Nagcarlan Police Station ang isang lalaki, matapos itong maaresto at makumpiskahan ng tinatayang P374,000 halaga ng ipinagbabawal na droga. Gayundin, nakuhanan ito ng baril sa isinagawang buy-bust operation kagabi sa Barangay Alibungbungan sa Nagcarlan, Laguna.

Kinilala ang suspek na kabilang sa listahan ng pulisya ng High Value Individual sa ilegal na droga sa alyas na Lyndon, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na lalawigan.

Base sa isinumiteng report ni PMaj. Paul Raymund R. Ayon, hepe ng Nagcarlan PNP, kay PCol Gauvin Mel Y. Unos, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, dakong alas-9:34 kagabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Nagcarlan Police Station sa pamamagitan ng Drug Enforcement Unit na humantong sa pagkakaaresto sa suspek makaraang magpanggap na poseur buyer ang isang pulis gamit ang marked money.

Narekober sa suspek ang apat na pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P374,000, isang kalibre 38 revolver na naglalaman ng bala, sling bag, cellphone, coin purse, gayundin ang ginamit na marked money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa himpilan ng Nagcarlan Police Station at nahaharap sa kasong RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition).

“Ang pagkaaresto ng suspek na ito ay bunga ng matiyaga at walang pagod na pagtatrabaho ng kapulisan ng Laguna. Tinitiyak namin ang patuloy na pagkilos ng ating kapulisan para malipol at maiiwas natin ang ating mga kababayan sa bawal na gamot,” giit ni PCol Unos. Ellen Apostol

Previous articleTruck driver patay habang nagkukumpuni ng sasakyan
Next articleHERBOSA sa PHILHEALTH: MGA BENEPISYO palawakin