MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Senador Raffy Tulfo nitong Martes, Mayo 16, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad ng seryosong banta sa seguridad ng bansa ang maliit na porsyon na pagmamay-ari ng China ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa pakikipagkita ni Tulfo kay Marcos sa
Malacañang nitong Lunes, sinabi niya sa Pangulo kung paano nagiging banta sa national security ang Chinese ownership sa NGCP, lalo na sa kasalukuyang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ani TUlfo, ang NGCP na siyang energy grid systems operator ng Pilipinas, ay may 40% na pagmamay-ari ng State Grid Corporation of China habang 60% ng capital stakes nito ay Filipino-owned.
Dahil dito ay ipinanukala ng senador, umuupo sa Senate committee on energy, na ibalik ang systems operation ng transmission grid sa National Transmission Corporation (TransCo), isang government entity, at ang maintenance naman ay sa NGCP.
Anang senador, mayroong intel report na nagsasabing may kakayahan ang China na i-access kahit malayo ang national grid ng bansa at isabotahe ito.
Sinabi rin ni Tulfo na ang mga instruction na nakalagay sa planta ng NGCP tungkol sa operasyon ng mga sensitibong equipment, kabilang ang mga manual, ay nakasulat sa Chinese at walang Filipino technician ang marunong magpagana nito.
Mayroon din umanong iba’t ibang paglabag ang NGCP sa franchise contract nito, katulad ng pagpalya sa napapanahong development at connectivitiy ng main grid ng kuryente sa iba’t ibang probinsya.
Ang mga dahilang ito ay sapat na para kanselahin ng pamahalaan ang prangkisa ng NGCP.
Idinagdag din niya, bilyong piso ng kita ng NGCP ay napupunta sa shareholders at hindi sa system development.
Bagama’t 40% lamang ang pagmamay-ari ng Chinese shareholders, sinabi ni Tulfo na sa ilalim ng shareholder’s agreement, may kapangyarihan ang mga ito na mag-veto o magbasura ng board resolution ng majority shareholders.
“Sa madaling salita, magagawa ng Chinese shareholders ang lahat ng kanilang gusto pagdating sa pamamalakad ng NGCP. Ito ang dahilan kung bakit ngayon ay nagkakagewang-gewang ang ating energy situation,” pahayag ng Senador.
Ayon kay Tulfo, sumang-ayon umano si Marcos sa mga suhestyon nito, basta’t makikinabang ay ang mga Filipino.
Kaugnay naman sa posibilidad ng national security threat at lapses sa transmission ng NGCP, naghain si Tulfo ng Senate Resolution No. 609 na naglalayong imbestigahan ang korporasyon.
Matatandaan na inilagay sa red at yellow alert ang ilang lugar sa bansa dahil sa pagpalya sa ilang planta ng kuryente sa Luzon grid. RNT/JGC