Home NATIONWIDE Tulfo napikon sa pulis sa Camilon case, nag-walk out sa Senate probe

Tulfo napikon sa pulis sa Camilon case, nag-walk out sa Senate probe

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Kitang-kita ang pagka-irita ni Senador Raffy Tulfo kaya’t bigla itong nagwalk-out sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa kuwestiyonableng pag-aresto ng pulisya sa mag-ama at pagkawala ni Catherine Camilon, isang aspirante bilang beauty queen.

Sa ginanap na imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa pamumuno ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, mabilis na pinutol ni Tulfo ang diskusyon habang tinatanong ang Bulacan policemen hinggil sa pangyayari.

“Aalis na lang ako dito. Hindi ko matiis. Nakikita ko, itong mga pulis, pinagloloko (tayo). I’m sorry, I have to walkout. Hindi ko kaya to,” ayo kay Tullfo at biglang tumayo saka lumisan ng pagdinig.

Bago umalis, matinding binatikos ni Tulfo ang ilang pulis na sangkot sa krimen hinggil sa illegal arrest ng mag-ama sa Rodelio Vicente case na naunang tumangging sumailalim sa lie detector test.

“Dito ipapakita ko sa ‘yo, Mr. Chairman, na wala silang respeto sa’yo bilang dating PNP Chief, at bilang chairman ng committee na ito, at walang respeto itong tatlo sa Senado…These two (three) policemen were asked if they were willing to undergo the lie detector test… pumayag sila… Itong tatlong ito umatras,” ayon kay Tulfo sa committee.

Kaya’t hiniling ni Tulfo na kasuhan ng contempt ang tatlong pulis.

Lubha pang nairita si Tulfo sa magkakasalungat na tugon ng Pandi Provincial Police officer at ilang pulis kung nahaharap ang mag-amang Vicente sa arrest warrants.

Sanhi ng makakasalungat na pagtugon sa isyu, nag-walk out si Tulfo.

Naunang hiniling sa komite na kasuhan ng contempt si Police Major Allan de Castro, pangunahing suspect sa pagkawala ni Camilon sa patuloy na pagsisinungaling sa komite.

Ngunit, iginiit ni De castro na wala itong relasyon kay Camilon kahit matitibay ang ebidensiyang inilatag ng pamilya ng biktima at imbestigador.

Dulot ng ebidensiyang inilatag ng pamilya ni Camilon, kaagad inaprubahan ni Dela Rosa ang mosyon ng contempt laban kay De Castro sa pagsisinungaling sa komite. Inatasan ni Dela Rosa ang Senate police na ikulong si De Castro.

Nilinaw naman ni Dela Rosa, dating chief ng PNP na pinanatili nito ang maging patas sa lahat sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado.

“The worse thing na sabihin sa akin, bine-baby ko kayo… Ay hindi ko matanggap-tanggap yan. What’s the use of this committee kung i-baby ko kayo? For the record, wala naman sigurong makapagsabi dyan na, sino ang pinakamaraming na-contempt na pulis dyan sa Senado?” aniya.

Kaya’t nagpahayag ng pagkadismaya si Dela Rosa sa pagwalk-out ni Tulfo.

“Pag kayo naman ay tama, bakit naman tayo papayag na wawalangyain kayo. Fair lang tayo dito… Bakit naman wawalang-hiyain yung pulis kung hindi dapat walanghiyain… The most insulting action is for that kasama mo dito magwa-walk out, walkoutan ka,” ayon kay Dela Rosa.

“Anyway, that’s his prerogative. Kung ayaw na niyang makinig sa hearing, nandyan na ‘yan. Ako naman I am trying to be fair here. Wala akong, hindi ako wala akong bias dito. Kahit sabihin niyong dati akong PNP chief ang dami nang pulis minalas sa akin,” giit niya. Ernie Reyes

Previous article79 bodega ng NFA nakapadlak pa rin – DA
Next articleSeguridad sa prusisyon ng Nazareno sa Biyernes Santo siniguro ng MPD