MANILA, Philippines – Makatatanggap ng kabi-kabilang tulong ang pamilya ng napaslang na OFW sa Israel na si Angelyn Aguirre.
Matatandaan na ang 32-anyos na overseas Filipino worker ay napatay ng Hamas sa pag-atake nito sa Kibbutz Kfar Aza, Israel noong Oktubre 7 habang pinoprotektahan nito ang kanyang matandang pasyente.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnaldo Ignacio, makatatanggap ang pamilya ni Aguirre ng P220,000 na death at burial benefits.
Bilang aktibong miyembro ng OWWA, makakakuha rin ang pamilya ng P15,000 sa educational at livelihood support mula sa ahensya.
Matatandaan na dumating sa bansa ang labi ni Aguirre nitong Biyernes.
Samantala, nangako naman ang Israeli government ng buwanang financial assistance sa pamilya mula P94,000 hanggang P134,000.
“The exact amount is still to be determined by the Israeli government,” sinabi ni Ignacio.
Nakuha ni Aguirre ang paghanga ng buong mundo nang tumanggi itong iwanan ang kanyang pasyenteng Israeli sa kabila ng pag-atake ng Hamas.
Kapwa napatay ang dalawa ng mga terorista nang makita silang pumapasok sa bomb shelter.
Siniguro naman ni Ignacio na tutulungan din makahanap ng trabaho ang mga kapatid ni Aguirre.
“Hindi sila iiwan ng gobyerno at nakikiisa kami sa kanilang pagdadalamhati. Role ng gobyerno ay pasanin ang mga nakakabigat sa kanila,” aniya.
Maliban sa mga nabanggit na tulong, magkakaloob din ang provincial government ng Pangasinan ng P100,000 financial assistance.
Nakatakdang ilibing si Aguirre ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 5. RNT/JGC