Home NATIONWIDE Tulong ng Int’l Red Cross hirit sa PH resupply mission sa Ayungin...

Tulong ng Int’l Red Cross hirit sa PH resupply mission sa Ayungin Shoal

Hinikayat ang Department of Foreign Affairs (DFA) na humingi ng tulong sa International Committee of Red Cross (ICRC) upang makatulong sa resupply missions sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ipinanawagan ito ni Senador Francis Tolentino sa pamamagitan ng liham kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo nito lang Hunyo 18.

“In view of the escalating conditions in the West [Philippine] Sea, particularly near the Ayungin Shoal relative to our resupply missions, my humble recommendation is to seek the assistance of the International Committee of Red Cross based in Geneva, Switzerland,” ayon kay Tolentino sa liham.

“The ICRC under the Geneva Convention can facilitate the necessary humanitarian aid to our Navy personnel living in BRP Sierra Madre and would pave the way for the delivery of the needed food supplies by our soldiers therein,” giit niya.

Sinabi ng senador na maaaring makipag-ugnayan ang DFA at ang National Task Force for the West Philippine Sea upang humiling sa ICRC.

“The International Committee of the Red Cross is a neutral organization in charge of providing assistance under International Humanitarian Law,” aniya.

Nitong Lunes, muling umigting ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas nang banggain ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas sa karagatan malapit sa Ayungin Shoal.

Ngunit, ibinasura ng AFP ang mungkahi ni Tolentino sa pagsasaabing na paparangalan lamang natin ang maling paghahabol ng China sa lugar. Pinandigan ng AFP na illegal ang pagpunta ng China sa karagatan na sakop ng Pilipinas.

Matatagpuan ang Ayungin Shoal sa 105 nautica miles sa kanluran ng Palawan at nasa loob ng 200 mile exclusive economic zone ng Pilipinas at bahagi ng continental shelf nito.

Binabalewala ng China ang arbitral ruling pabor sa Pilipinas hinggil sa lugar bagkus, pinatindi ang kanilang presensiya at pinalakas ang illegal na pamamalakaya nito sa ating karagatan at agresibong itinataboy ang barko at mangingisdang Filipino.

Sa hiwalay na pahayag, matinding kinondena ni Senador Grace Poe ang huling panggigipit ng China sa ating puwersa sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

“China’s aggressions in our seas have reached a reprehensible new high, damaging our boats and inflicting harm on our people. China’s bullying and dangerous acts must stop,” aniya.

Hiniling ni Poe na humiling ng tulong sa kaalyado ng bansa upang makatulong na humupa ang illegal na panghihimasok ng China sa ating soberenya.

“Hihintayin pa ba natin na may Pilipinong magbubuwis ng buhay sa pagtatanggol sa ating teritoryo?” ayon kay Poe. Ernie Reyes