Home OPINION TUMBUNGAN SA TONDO NASA BGC NA

TUMBUNGAN SA TONDO NASA BGC NA

SINO ang mag-aakalang  puwede palang ilipat ang Tondo sa lugar na tirahan ng mga burgis, na may nagtatayugang gusaling pang-komersiyo at condominium gaya ng Bonifacio Global City  sa Taguig City?

Ang alam kasi ng marami, kapag nabanggit ang Tondo, lugar ito ng iba’t-ibang klase ng tao, may mayaman, mahirap, edukado, mangmang, siga, drug addict. Para lang  “you name it, they have it” ika nga.

Hindi tulad sa BGC, mahigpit ang pagpapatupad ng disiplina at wala kang makikitang mga nagsala-salabat na linya ng kuryente dahil nakabaon sa lupa ang mga kawad, kaya para kang nasa ibang bansa kapag dumayo rito.

Pero kahit ganyan ang buhay sa Tondo, may mga lugar pa rin dito na dinadayo, hindi lamang ng mga taga-ibang lugar kundi mga turisa at mga may-kaya sa buhay, tulad ng sikat na Divisoria area, Simbahan ng Tondo lalo na kapag Pista ng Sto Nino at ang pinag-uusapang mga sikat na kainan sa kalye Ugbo sa mismong pusod ng Tondo sa Velasquez St. dahil sa kakaibang uri ng mga pagkain.

Sa katunayan, may mga kilalang personalidad tulad ni Yorme Isko Moreno Domagoso ay naging suki na ng mga hilera ng kainan sa Ugbo kahit noong  alkalde siya. Ang ilan lamang sa mga tinatangkilik, kinahuhumalingan, at binabalik-balikan ng mga parokyano ang mga lutong pagkain dito tulad ng Tumbong Soup, Lechong Kawali, Camto Soup, Asadong Dila ng Baka na lahat ay tineternuhan ng Sinangag.

Dahil dinadayo ng marami, akalain ba namang naisipan ni Yorme na dalhin ang Tondo sa mga lugar ng mga burgis para maipakilala ang mga pagkaing hindi nila natitikman o ayaw tikman dahil lang sa ayaw nila.

Ngayon, puwede na siguro nilang subukang kumain ng mga putahe o pagkaing sumikat sa Tondo na nasa mismong pusod ng lugar Bonifacio Global City, lugar ng mga burgis.

Ang tanong nga lang, swak din kaya sa panlasa ng mga mayayaman ang pagkaing tinatangkilik ng marami sa Tondo? Eh, ‘di tikman muna para malaman.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articleVALENZUELA LAUNCHES ‘PEOPLE’S DAY SA BARANGAY’ CARAVAN
Next articleRDs PMGEN NARTATEZ, PBGEN MACARAEG NAGKAISA SA PAGSESERBISYO