Home OPINION TUNAY NA DIWA NG PASKO

TUNAY NA DIWA NG PASKO

NAISULAT ko na minsan ang karaniwang sagot sa tanong na ito.   Hindi dapat materyal na bagay o pera ang sentro ng selebrasyon ng Pasko, kundi ang pagiging masaya dahil maraming nagmamahal sa iyo.   Sa konteksto ng mga Kristiyano, ang Pasko ay simbolo ng sobrang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan kaya binigay Niya at isinilang si Hesus bilang tao.

Ayoko namang maging killjoy, pero sa harap ng maraming paghihirap at paghihikahos natin, parang hindi madali na isantabi ang mga pangangailangan para maramdaman mo ang “saya” ng Pasko.

Sobrang-taas ng presyo ng mga bilihin, meron tigil-pasada ang mga tsuper at tumataas na ulit ang mga kasong COVI19, bukod pa sa sobrang dami ng nagkakasakit ng trangkaso at pulmonya.   May nagpasabog ng bomba sa Marawi City at kabi-kabila ang mga magpa-Pasko ng walang tirahan dahil nasalanta ng lindol, baha o kaya ay nasunugan.

Sa kabilang banda, ang mga opisyal ng gobyerno ay simpleng dedma lang.   ‘Wag na lang daw pilitin mag-Spaghetti kung hindi kaya, ayon sa Department of Trade and Industry o DTI.  Hindi na raw mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at kuryente ayon naman sa Department of Energy o DOE.  Tuloy na nga ang deadline ng consolidation ng jeepney at pagdating ng Jan. 1, 2024, maraming mga tsuper ang hindi na makabibyahe.

Wala pa ring bigas na bente pesos  ang kilo, tataas ang singil ng kuryente at tubig sa susunod na taon, bilyong halaga ng learning materials ang hindi naipamigay ng Department of Education at tuloy-tuloy ang reclamation projects sa Manila Bay, kahit na iniutos na ang mga suspensyon nito.

Ano ba ang pwedeng isagot ng isang ina sa kanyang batang paslit na anak kapag nagtanong ito ng “Nay, bakit wala akong bagong damit, laruan at ispageti ngayon Pasko?”

Marami nga tayong dapat ipagpasalamat ngayon Pasko, at dapat nating kilalanin at pahalagahan ang mga iyon.

Magnilay sana tayo ngayong Pasko kung ano ang mga pwede natin gawin para mas maging makubuluhan at magningning ang tunay na diwa ng mga susunod sa Pasko sa mas nakararaming Pilipino.

Previous articleMGA LUMANG DYIP, GUMUGULONG NA ATAUL?
Next articleOKS SA GIYERA, DEDMA SA NAGUGUTOM