
PATULOY na kinakalinga ng kasalukuyang administrasyon ang mga taga Bicol sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa’t proyekto na ipinatutupad ng mga ahensya ng gobyernong nakatuon naman sa mga mahihirap na mamamayan.
Sa katunayan,mismong si PBBM ang nanguna nang ilunsad nito ang Kadiwa sa Camarines Sur kung saan pinagbuklod-buklod ang mga magsasaka’t mangingisda at ibenta sa taumbayan ang kanilang agricultural products na sadyang abot kaya ang presyo ng mga mamimili.
Kasabay din na inabot ng Pangulo ang ayudang pinansyal sa mga kooperatiba ng magsasaka upang matulungan sila sa pagbili ng abono at binhi sa mga pananim at hindi na dumukot sa sariling bulsang kulang talaga para itawid ang kanilang pamilya sa araw-araw na gastusin.
Naging panauhin din si PBBM ng araw na ‘yun sa groundbreaking ng programang pabahay para sa ordinaryong kababayan kung saan kasama ang mga Bicolano sa biniyayaan ng murang masisilungan sa ilalim ng administrasyong ito.
Pangalawang beses na bumalik ang Pangulo sa itinuturing na pinakamalaking lalawigan sa Bicol nang ilunsad ang Bagong Pilipinas na programa kung saan pinag-isa ang mga ahensya ng pamahalaan upang mamahagi ng tulong sa mga pobreng kababayan dito kabilang ang pamimigay ng ayudang pinansyal sa mga estudyante,fisherfolks,farmers at iba pang pamilya na nasa laylayan ng komunidad.
Umabot sa 70,000 katao ang binigyan ng asistensya ng DSWD sa pamamagitan ng AICS nito kasabay ng pamamahagi din ng serbisyo sa iba pang sektor na walang inaasahang ayuda kundi mula sa gobyernong patuloy na inuuna ang mga lugmok sa kahirapan.
Tinungo din ni PBBM ang Albay ilang araw mula nang mag-alburuto ang bulkang Mayon para seguruhing may sapat na pagkain at iba pang pangangailangan ang mga apektadong pamilya na nasa loob at labas ng evacuation centers.
Walang puwang ang pamumulitika sa kasalukuyan administrasyon kung saan kahit natalo man sa Bicol ang Pangulo noong eleksyon,prayoridad niya na iahon sa kahirapan ang mga tagarito bunsod sa naniniwala siya na walang kinikilingan at tinititigan ang tunay na paglilingkod.
Tatlong beses na bumalik sa Bicol si PBBM upang maipadama sa mga tagarito na kasama sila sa pagbangon ng bansa mula sa hagupit ng krisis dulot ng pandemyang pinadapa ang sanlibutan.