Home NATIONWIDE TUPAD ‘di pwedeng gamitin sa Cha-Cha drive – DOLE

TUPAD ‘di pwedeng gamitin sa Cha-Cha drive – DOLE

MANILA, Philippines – Hindi maaring gamitin o ipangako ang Tulong mula sa Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) ng ahensya, kapalit ng mga pirma sa pagsusulong ng Charter Change sa pamamagitan ng people’s initiative, ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Ayon kay Laguesma, hindi ito maaring ipangako dahil may proseso at profiling upang malaman kung karapat-dapat ang isang benipisyaryo at mayroon ding requirement sa documentation para sa Commission on Audit (COA).

“Hindi puwedeng sabihin na pag pumirma ka ay makakatangap ka ng ganitong klaseng halaga,” giit ng kalihim.

Ang TUPAD ay ang cash-for-work program ng Kagawaran kung saan ang mga karapat+dapat na benipisyaryo ay self-employed workers at senior citizens na higit sa 75 taong gulang.

Nauna nang sinabi ng ilang mambabatas na nakatanggap sila ng ulat na ang mga benipisyaryo ng government assistance kabilang ang TUPAD program ay hinihikaya na pumirma para sa Charter Change petisyon kapalit ng patuloy na matanggap ang kanilang mga benepisyo.

Itinanggi naman ng grupo na nasa likod ng pagsusulong sa Cha-Cha na sangkot sila sa umano’y pagbabayad at paggamit ng programa ng gobyerno upang bumili ng lagda bilang suporta sa pagbabago ng 1987 Constitution.

Sinabi ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) na sinubukan lamang nilang ipaliwanag na ang pagpirma para sa Cha-Cha campaign ay nangangahulugan ng pagnanais ng isang unicameral na lehislatura, pagbubukas ng ekonomiya at pagpayag sa mga dayuhang mamumuhunan na magdala ng pera sa bansa.

Inakusahan ni Senador Imee Marcos na humigit-kumulang ₱20 milyon ang inaalok sa ilang probinsya para bumili ng mga lagda ng botante na kailangan para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng people’s initiative. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePwersa ng NPA mahigit 1,500 na lang – AFP Chief
Next articleOFW lounge sa NAIA binuksan 24/7