Home OPINION TUPAD IPATUPAD SA BIKTIMA NG LINDOL

TUPAD IPATUPAD SA BIKTIMA NG LINDOL

NGARAG na ngarag na nga ang mga biktima ng lindol sa Mindanao, lalo na sa mga napinsala sa Sarangani, Cotabato at Davao, heto’t nagkalindol din sa Samar.

Mabuti’t walang naiuulat na pinsala sa Samar.

Hindi pa natatapos ang lahat ng imbestigasyon at pag-aaral sa napakalakas at magnitude 6.8 lindol sa Mindanao.

Naririyan pa ang posibleng pagtaas ng mga nasawi na sa ngayon ay 9 pa lang.

At ang pinsala?

Medyo malaki-laki dahil maraming nasirang bahay, iskul, gusali ng gobyerno, kalsada, tulay, mall at iba pa.

Dahil dito, hindi lang kasiraan sa buhay at ari-arian ang problema kundi kawalan ng hanapbuhay at kita ng maraming biktima.

Nangangahulugan ‘yan ng gutom, kawalan ng panggastos sa tubig, kuryente, edukasyon, upa o panghulog sa bahay, pambayad sa utang, pagkalugi ng mga negosyo at marami pang iba.

Nagpapasalamat tayo at naging maagap naman ang Department of Social Welfare at mga lokal na pamahalaan sa pagsagip sa mga biktima sa hirap, gutom at iba pang mga kagipitan.

Mungkahi nating agad ipatupad ng Department of Labor and Employment ang programa nitong TUPAD.

Huwag sabihing naubos ang mga pondo ng TUPAD dahil sa napakalawak at araw-araw na pagpapatupad nito bago naganap ang Barangay/Sangguniang Kabataan Elections.

May naniniwalang ginamit ang TUPAD, aminin man o hindi ng DOLE, ng ilang nakaupong opisyal ng barangay bilang anyo ng vote-buying sa halalan.

Pero sana naman, hindi totoo.

Pero kung totoo, ang konswelo na lang, marami ang nakinabang.

Sa mga na biktima ng lindol, lalo na ang mga nawalan ng kita, hanapbuhay at napagsisiraan ng mga bahay, magandang tulong ang TUPAD sa kanila.

Tulong na rin ng mga mamamayan sa pamahalaan ang kanilang pagpasok sa TUPAD sa pag-aayos ng lahat ng hindi magandang nangyari sa kani-kanilang lugar gaya ng pagtanggal sa mga debris ng mga nagibang bahay at gusali at paglalagay ng mga ito sa mga tamang lalagyan o basurahan sa halip na nakakalat ang mga ito.

Previous articleKARAGDAGANG SILID-ARALAN O MULTI-PURPOSE BUILDING?
Next articleLAGING MAGSANAY AT MAGHANDA VS LINDOL