Home NATIONWIDE TWG binuo sa pagtutok sa pag-isyu ng special visas

TWG binuo sa pagtutok sa pag-isyu ng special visas

MANILA, Philippines – Nagtatag ang pamahalaan ng technical working group (TWG) para mapalakas ang monitoring sa mga inilalabas na special visa sa mga dayuhan na nais maglagak ng puhunan sa Pilipinas.

Kasama sa TWG ang Department of Justice (DOJ) at mga miyembro ng Board of Investments (BOI).

Sinabi ni BOI Director Ryan Ramos na target ng TWG na bumuo ng database ng mga special visa na ininderso at inisyu ng investment promotion agencies (IPAs) sa mga posibleng foreign investors.

Ang database ay maaring ipamahagi sa Bureau of Immigration para batid nito kung ilan visas na ang naisyu ng IPAs at upang mamonitor kung ang mga dayuhan na napagkalooban ng special visa ay kasakuluyang nasa Pilipinas o nasa ibang bansa.

Pinawi naman ni Trade Undersecretary at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo ang pangamba ng ilan na nagagamit ang Special Investor’s Resident Visa (SIRV) na iniisyu ng BOI para makapasok ang mga dayuhan sa Philippine offshore gaming operator (POGO).

Sa tala ng BOI, nasa 3,000 ang kasalukuyang SIRV holders at 70 hanggang 80 porsyento sa mga ito ay Chinese nationals.

Sinabi ni Rodolfo na ang naturang bilang ay hindi sapat para sa POGO operations.

Kailangan din aniya sumunod sa mga requirements ang mga kukuha ng SIRV gaya ng pagdeposit ng minimum na $75,000 sa accredited na bangko.

Karamihan aniya sa investments ng SIRV holders ay nasa local stock market at Philippine corporations. Teresa Tavares