KUWAIT – Sumuko na sa awtoridad ang driver ng SUV na umararo sa grupo ng mga Pinoy bikers sa Kuwait, sinabi ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na maaaring kasuhan ang driver kung mapapatunayang siya ay walang ingat sa pagmamaneho sa oras ng aksidente na kinasasangkutan ng nasa 50 Pinoy bikers.
“’Yung driver, nag-surrender na. Hindi pa malinaw kung ano sinabi pero tingin natin Kuwaiti. Kusang loob na nag-surrender na sa mga pulis kaya iniimbestigahan ng Kuwaiti government, tinitignan ‘yung mga pelikula ng aksidente,” aniy sa interbyu sa radyo.
Sinabi ni De Vega na pumihit ang SUV at tumama sa grupo ng mga bikers na nasa bike lane umano.
Labing-isa sa mga biktima ay dinala sa dalawang ospital, ayon sa kanya. Sa kanila, pito ang naka-discharge na, dalawa ang under observation pa, habang ang dalawa naman ay nasa kritikal na kondisyon. RNT