Home OPINION UMIINIT ANG WEST PHILIPPINE SEA

UMIINIT ANG WEST PHILIPPINE SEA

HINDI  naman literal na umiinit ang temperatura sa karagatang sakop ng Pilipinas na tinatawag nating West Philippine Sea. Ang ibig kong sabihin at tumataas na naman ang tensyon sa lugar, dahil merong aktwal na banggang nangyari. Hinarang na naman kasi ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang re-supply mission ng ating Philippine Coast Guard.

Ayon sa  opisyales natin, dalawang banggaan ang nangyari noong Oct. 22, 2023, pagkatapos ng mga mapanganib na paggalaw o “dangerous maneuver” ng isang barko ng CCG at isa pa nitong militia vessel. Nabangga naman ng mga ito ang isa nating PCG ship at isang pribadong barko na may laman na supply. Giit ng PCG, walang dahilan kung bakit hinaharang ang ating mga barkong nagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Tatlong paglabag daw ang ginawa ng China, na nakabase sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea, 1972 (COLREGs).  Una, paglabag sa tungkulin na iwasan ang banggaan (avoid collissions) na Rule #2.  Pangalawa, ang paglabag sa Rule #7 na dapat gamitin ang lahat ng pamamaraan para tantiyahin kung maaring magkaroon ng banggaan. Pangatlo, ang paglabag sa Rule # 18A, na kumikilala sa “right-of-way” ng mga barko o vessels.

Balik ng China, ang Pilipinas daw ang nag-trespassing at naunang gumawa ng mga iligal na paglalayag. Pinabulanan naman agad ito ng Department of Foreign Affairs at Department of National Defense.  Paano nga naman magkakaroon ng trespassing eh nasa loob pa ng teritoryo ng Pilipinas ang mga pangyayari? Mukhang ilusyunado na talaga ang China sa patuloy nilang pagpupumulit na kanila ang West Philippine Sea.

Nangyari ang mga ito sa gitna ng giyera sa Ukraine at ang lumalalang tensyon sa Israel at Gitnang Silangan. Kaya hindi maiwasan na tingnan ang galaw na ito ng China ay bahagi ng taktika nila na samantalahin ang lumalang tensyon sa ibang bahagi ng mundo, para lang makapwesto.

Tama ang ating PCG at Philippine Navy na paigtingin pa ang pagpapatrolya sa ating karagatan. At tama rin ang diskarte ng DFA at DND at makipag-tulungan sa iba pang mga bansa na patibayin ang seguridad at kapayapaan sa West Philippine Sea.

Previous articleDOLE AT CHR LUMAGDA SA KASUNDUAN PARA SA PROTEKSYON NG MGA MANGGAGAWA
Next articleEasterlies, Amihan magpapaulan sa ilang bahagi ng Pinas