Home SPORTS Unang ginto sa 2023 Philippine National Games sinungkit ni Catubig 

Unang ginto sa 2023 Philippine National Games sinungkit ni Catubig 

Ikinuwintas ni Lyka Labrica Catubig ang unang gold medal sa athletics matapos magreyna sa 3,000m Walk women’s division ng Philippine National Games na nilarga sa PhilSports Track & Field sa Pasig, kahapon ng umaga.

Nirehistro ni 19-year-old Catubig ng City of Davao ang 16 minuto at 44.55 segundo sapat upang sikwatin ang kauna-unahang PNG gold medal sa Day 1 ng athletics competition.

“Masaya ako kasi hindi ko ine-expect na manalo, marami kasing kasaling magagaling,” saad ni Catubig na first year student sa University of Mindanao sa kursong Bachelor of Criminology. “Thank God at nanalo ako.”

Bunso sa apat na magkakapatid, sasalang din si Catubig sa 5K walk at 5K run kaya naman naghahanda na ito at nagpapalakas dahil aminado siyang mapapalaban ito nang todo.

“Hindi ko sigurado, tulad ng sinabi ko magagaling ang mga sumali kaya pinaghahandaan ko sila,” ani Catubig na nakasali na rin sa Batang Pinoy noong 2019 at nakasungkit din ng gintong medalya.

Nakopo ni  Laurize Jeante Genilza Wangkay ng Pasig ang silver medal matapos ilista ang 16:51.98 habang bronze ang kinahon ni Jane Krissel Buizon ng Pangasinan (16:52.35).

Dinomina naman ng pambato ng Pasig ang U-20 mens 3,000 walk matapos angkinin nina Justin Santos Macuring at Gabriel Amit Resuello Oxales ang gold at silver ayon sa pagkakasunod.

Napunta ang bronze kay Cris Gabayan ng Pangasinan sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann.

Samantala, pinitas ni Ainah Marie Agapito Masangkay ng Pasig ang gintong medalya sa women’s division ng Discus Throw, silver si Chrizzel Lanipa ng Zamboanga habang bronze ang sinungkit ni Kasandra Hazel Ranay Alcantara ng Pasig.

Sa men’s division ng Long Jump, hinablot ni Marvin Perez Ramos ng San Fernando, Pampanga ang ginto, pilak ang napunta kay Kurt Lyndon Titular Deris ng Camarines Sur at bronze ang nakuha ni Geoff Martin Saludo Proximo ng Mandaluyong.

Nagpasiklab naman ang mga swimmers ng Ateneo de Davao University na sina Francis Greg Espiritu at Maica Angela Garcia matapos languyin ang PNG 18-above 200-meter breaststroke gold at silver medals ayon sa pagkakasunod dito rin sa PhilSports.

Kinalos ni Espiritu (2:25.72) sina Lance Rafael Cruz (2:25.79) at Earl Jay Jayme (2:28.99) na pambato ng Pasig.Nasilo nina Cruz at Jayme ang silver at bronze medals.

Umoras si Garcia, ng 2:56.01, pangalawa siya sa nag gold na si Angel Lynn Docabo ng Tagbilaran City.

Patuloy naman ang pamamayagpag ni WIM Kylen Joy Mordido matapos ilista ang perfect three points sa Round 3 ng PNG Chess Championships – Standard Women’s Division na nilaro sa GSIS Gymnasium sa Pasay City, kahapon.

Pinagpag ni olympian Mordido ng Dasmarinas si Marphine Faith Mangubat ng Cebu upang sumalo sa three-way tie sa top spot sa event na ipinatutupad ang seven rounds swiss system.

Ang ibang three pointers ay sina Irish Yngayo ng Davao at Glesit Marie Tatoy ng Cebu Province na kinalos sina AFM Cyliz Kaessa Meriles at Exiquila Apao ayon sa pagkakasunod.RICO NAVARRO

Previous articleKoko pabor sa pag-veto sa sobrang P450B unprogrammed funds sa 2024 budget
Next articlePCG modernization program, ikinasa sa Senado