CANADA – Naitala sa Canada ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 na mula sa highly mutated BA.2.86 variant ng Omicron.
Hindi pa dinadala sa ospital ang naturang pasyente, at hindi naman nagbabago ang banta ng COVID-19 sa pagkakatuklas ng BA.2.86 virus sa mga residente ng British Columbio, ayon sa joint statement ni Dr. Bonnie Henry, at Health Minister Adrian Dix.
“It was not unexpected for BA.2.86 to show up in Canada and the province,” anila.
“COVID-19 continues to spread globally, and the virus continues to adapt.”
Ang BA.2.86 lineage na unang naitala sa Denmark noong nakaraang buwan, ay nagtataglay ng mahigit 35 mutations sa virus kumpara sa XBB.1.5, na dominant variant sa halos buong 2023.
Nakapagtala rin ng bagong variant na ito ang United States, Switzerland at Israel.
Sinabi ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention noong nakaraang linggo na mas kaya nitong mahawaan ang mga taong nagkaroon na ng COVID-19 o nakatanggap ng bakuna.
Ayon pa sa mga siyentipiko, napakahalagang tutukan ang BA.2.86 ngunit siniguro naman na hindi ito magdudulot ng dagsa ng mga kaso ng sakit at kamatayan dahil sa nabuong immune defenses ng mga tao sa buong mundo mula sa bakuna. RNT/JGC