PINAYUHAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan na aalis ng bansa sa darating na Undas holiday break na sumunod sa kanilang mga immigration departure requirements nang maaga at iwasan ang mahabang pila sa paliparan sa petsa ng kanilang mga flight.
Batay sa abiso ng BI, pinaalalahanan ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga rehistradong dayuhan na permanenteng naninirahan, nagtatrabaho, o nag-aaral sa Pilipinas, na maaari nilang makuha ang kanilang re-entry permit (RP) o special return certificate (SRC) bago umalis sa alinman sa mga iba’t ibang opisina ng distrito, field, satellite at extension ng BI sa buong bansa.
Samantala, ang mga dayuhang turista na nanatili sa bansa ng higit sa anim na buwan ay maaari ring makakuha ng kanilang emigration clearance certificates (ECC) bago umalis.
Sinabi ni Tansingco na ang pagkuha ng mga kinakailangang permit nang maaga ay mababawasan ang oras ng kanilang pagpila, dahil hindi na sila kailangang pumila sa mga airport cashier ng BI.
“We are expecting a surge in passengers at their airport this coming Undas and this time we are seeing a tremendous increase in volume of New Year’s Day travelers with the total lifting of all Covid-related travel restrictions,” ayon sa BI chief.
Pinaalalahanan ng BI chief na ang iba pang immigration services ay available din online, sa pamamagitan ng e-services portal ng BI sa e-services.immigration.gov.ph.