Home NATIONWIDE UniTeam nabuwag na – Pimentel

UniTeam nabuwag na – Pimentel

MANILA, Philippines- Tuluyan nang nasira ang UniTeam Alliance nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

Sinabi ni Pimentel na makikita ito sa akusasyon ni dating Pangulong Duterte, ama ni Vice President Sara, kay Marcos na may kaugnayan umano ito sa droga at nagbabalang matutulad ito sa sinapit ng ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung babaguhin ang 1987 Constitution.

Sinabi ni Pimentel na malaki ang advantage ni Marcos bilang Pangulog: kaalyado ng bise president, 22 senador na kaalyado ng administrasyon, pinsan ni Speaker of the House of Representatives at karamihan sa kongresista na tapat sa Malacanang.

“Matagal nang walang Uniteam. Hindi naman ako member ng UniTeam. Kami nga ni Sen. Risa Hontiveros pinili namin na minority sa Senado. Ang majority sa Senado nag-identify sa administration…Nasasayangan ako kasi ‘yung na-achieve ni President Bongbong Marcos, parang regalo sa kanya ‘yun. Ano na sa kanya nang Diyos, for his administration. Nasayangan ako kasi hindi nila na-preserve. Hindi nila na-take advantage,” aniya sa isang panayam.

“Ano nangyari? Nag-away-away na sila. Kasi kami taga check lang sa minority,” giit niya.

Naunang nagkabanggaan ang ilang miyembro ng Senado at Kamra sanhi ng people’s initiative na inilunsad ni Speaker Martin Romualdez, na may layunin na baguhin ang 1987 Constitution.

Sa ilalim ng panukala ng PI ni Romualdez, lulusawin nito ang kapangyarihan ng Senado na bumoto nang hiwalay sa Kamara sa anumang pagbabago sa Saligang Batas, at payagan na bumoto nang magsakabay sa pamamagitan ng constituent assembly. Dehado ang Senado na may 24 miyembro kumpara sa 300 mambabatas na kasapi ng Mababang Kapulungan.

Ibinabala ng dating Pangulong Duterte na kapag natuloy ang people’s initiative, maaaring baguhin ang Saligang Batas upang manatili ang pamilya Marcos sa kapangyarihan.

Samantala, inihayag naman ni Pimentel na hindi na siya nagtataka sa akusasyon ng pagiging drug addict ni Marcos dahil nagawa na ito ng dating Pangulo noong kinukuwestiyon nito ang isang presidentiable na gumagamit ng droga kahit hindi lantarang binanggit ang pangalan ng kasalukuyang chief executive.

“Hindi na ako nagulat, kahit nung kampanya, nung filing pa lang may sinasabi na siyang kandidato na gumagamit,” ayon kay Pimentel.

“Baka he is talking abut the past. I am sure na isang tao na mahalal sa napakabigat na responsibility e tatalikuran mo na ang whatever nagawa mo sa past na hindi makakatulong sa present mong trabaho. Maybe in the past lalo na nung taon nang kabataan,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articleLeBron, Lakers wasak sa Rockets
Next articleJames Yap bumitiw sa RoS