Home OPINION UNLI NA PIRMAHAN KAHIT SAAN AT KAILAN

UNLI NA PIRMAHAN KAHIT SAAN AT KAILAN

WALA na bang katapusan ang mga pirmahan na nagaganap?

Sabi ng ating Uzi, kahit saan at kahit kailan na kasi, may mga pirmahan na nagaganap.

Unang sumambulat ang balita sa pirmahan para sa People’s Initiative o PI na may suhulan umanong mula P100 hanggang P3,000 para sa pumipirma.

Nasa P1,500 naman umano ang bigay sa mga nagpapapirma bawat araw.

At inaalam pa ng ating Uzi kung totoo ang minamarites na may bigayan din sa pirmahan ng attendance sa mga dumalo sa miting de abanse ng Bagong Pilipinas sa Luneta.

PIRMA SA COMELEC

Nang umusok at umapoy ang PI na tinawag nang Bribed Initiative ni Senador Kokoy Pimentel at Pekeng Initiative ni Sen. Grace Poe, hayun, pumirma rin si Commission on Elections Chairman George Garcia.

Pinirmahan niya ang kautusang huwag tumanggap ang mga taga-Comelec ng pirmadong papel para sa PI at huwag gumawa ng iba pang aksyon ang mga ito, gaya ng beripikasyon sa mga pumirma.

Pag-aaral din umano nila kung ano-ano ang mga puwedeng idagdag sa mga patakaran sa PI para hindi sila masopla sakaling may kasong isasampa laban sa kanila sa Korte Suprema…kung sakaling okeyan nila ang pagsulong ng PI.

Ito’y sa gitna ng pagkakatanggap na umano ng Comelec ng mga pirmadong papel para sa PI.

PIRMA SA SENADO

Sa pangunguna ni Senate President Migz Zubiri, pumirma naman ang lahat ng 24 senador laban sa PI makaraang mabusisi nilang laman pala ng PI na ‘to ang hindi magkahiwalay na pagboto nila at mga kongresman sa anomang pagbabago o pagretoke sa Konstitusyong 1987.

Gusto ng mga nagsusulong ng PI na magsanib ang 316 na kongresman at 24 bilang mga indibidwal sa pagboto kaya lulunurin ng 316 boto ng mga kongresman ang 24 boto ng mga senador.

Mabubura na rito ang check and balance ng Kamara at Senado na isang mabisang armas laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng sinomang indibiduwal o grupo  sa pagretoke sa Konstitusyon at maging sa paggawa ng batas.

Magiging batas mismo ang PI na ‘to kung mananalo sa botohang yes o no sa ilalim ng plebisito na isasagawa ng Comelec.

PIRMAHAN DIN SA KAMARA

Nitong huli, may pirmahan din sa Kamara at nakakalap na umano ng 286 pirma para sa House Resolution 1562.

Sa resolusyong ito, ipinagtatanggol si House Speaker Martin Romualdez mula umano sa matinding pag-atake sa kanya ng Senado.

Una rito, inginuso ni Manang Sen. Imee Marcos na nasa likod ng PI si Romualdez na pinsan niya mismo at sinundan ito ng pagpirma ng lahat ng senador kanilang Manifesto laban sa PI.

Mag-iimbestiga rin umano ang Senado sa suhulan sa pagpapapirma sa PI.

PIRMAHAN DIN SA MINDANAO

Umuusok din ang posibleng pagkakaroon ng pirmahan sa Mindanao para ihiwalay ito mula sa teritoryo ng Pinas, bagama’t wala namang balita na seseryosohin ito o hindi.

Wala bang pirmahan laban sa nagsimula nang El Niño na sumisira na sa mga palay, mga ulan, sa baha at landslide na pumapatay sa Mindanao, sa oil price hike at iba pa?  

 

Previous articleSUNTOK SA BUWAN
Next articleEasterlies magpapaulan sa ilang bahagi ng VisMin