MANILA, Philippines – KINUWESTIYON ng Commission on Audit (COA) ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa “excessive meals at accommodation expenses” na nangyari sa isinagawang employee training activities noong nakaraang taon.
Sa 2022 report ng COA na naka-post sa website nito noong nakaraang linggo, isiniwalat ng komisyon na gumastos ang AMLC ng mahigit sa ₱7.2 milyong piso para sa kanilang “meals at hotel accommodation” para sa 12 seminars at workshops.
Sinasabing lumampas ito sa travel expenses na pinapayagan sa ilalim ng Executive Order 77 na ₱4.7 milyong piso lamang.
Makikita naman sa record ng AMLC na ang daily expenses para sa bawat meals ng participant ay mula ₱1,600 hanggang ₱3,250 habang ang accommodation naman ay mula ₱1,200 hanggang ₱3,075.
Gayunman, sinabi ng COA na ang pinapayagan lamang na halaga para sa meals kada participant ay ₱450 hanggang ₱660 at ₱750 hanggang ₱1,100 para sa accommodations.
Sinasabi pa ng COA na mas economical kung ginawa ng AMLC ang kanilang seminars sa “publicly owned venues.”
Natuklasan din ng COA na karamihan sa seminars ay idinaos sa private venues gaya ng Park Inn Hotel sa Mabalacat, Pampanga, Thunderbird Resort sa Binangonan, at Novotel sa Quezon City.
“We recommend that management direct the Deputy Directors to ensure that expenses on trainings, seminars and planning activities are in accordance with the rates prescribed under EO no. 77 as applicable for prudence and economy in operations,” ayon sa COA.
Iginiit naman ng AMLC na ang naging gastos nila ay resonable.
Ang katuwiran ng AMLC, walang available government spaces noong panahon na iyon lalo pa’t ang bansa ay nananatiling nasa ilalim ng state of public emergency.
“The AMLC found it was more efficient and economical to resort to leasing out venues from privately owned establishments,” ayon sa AMLC.
Subalit, pinanindigan naman ng COA na ang naging gastos ng AMLC ay “excessive.”
Tinuran pa ng COA na nabigo ang AMLC na makapagbigay ng dokumento na susuporta sa kanilang sinabi na walang available government owned spaces sa panahon na idinaos nito ang kanilang seminars.
Iginiit pa rin ng COA na hindi naman kinakailangan na mag- stay overnight sa hotel ang mga empleyado para sa workshops na gagawin sa Kalakhang Maynila, lalo pa’t ang AMLC office ay matatagpuan lamang sa Lungsod ng Maynila. Kris Jose