Home NATIONWIDE Unpaid wages ng lahat ng displaced OFWs mula Saudi, New Zealand bayaran...

Unpaid wages ng lahat ng displaced OFWs mula Saudi, New Zealand bayaran na! – Villanueva

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pamahalaan na mas paigtingin pa ang pagsisikap upang mabayaran ang unpaid wages ng displaced overseas Filipino workers mula Saudi Arabia at New Zealand.

Ang apela ni Villanueva ay makaraang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng mahigit 1,000 tseke, na nagkakahalaga ng P868,740,544, ng Saudi government upang bayaran ang unpaid wages ng mga OFW na nawalan ng trabaho nang mabankarote ang mga kompanyang pinagtatrabahuan nito.

Ayon sa senador, dapat na bayaran ang lahat ng back wages ng mga OFW na nawalan ng trabaho sa Saudi.

“This is a welcome development, but we need to ensure that all of our displaced Saudi OFWs are paid 100 percent of their back wages,” saad sa pahayag ni Villanueva.

Si Villanueva, may-akda ng batas na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW), ay nagsabing dapat ay patuloy na nakikipag-usap ang ahensya sa pamahalaan ng New Zealand upang maprotektahan ang 700 OFWs na natanggal sa trabaho noong Disyembre 2023.

“We hope things are moving right now as we speak. We don’t want our OFWs from New Zealand to suffer the same fate as our Saudi workers who waited for 10 years,” ani Villanueva.

Hiniling na senador sa DMW na patuloy na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Saudi para sa agarang paglalabas ng lahat ng back wages at mga benepisyo ng displaced OFWs.

Dapat din umanong patuloy na tulungan ng DMW ang mga OFW sa pagkuha ng dokumento at iba pang requirement para sa pagbibigay ng kanilang back wages, na mahirap para sa iilan.

Sinabi naman ni Hans Leo Cacdac, DMW officer-in-charge, sa liham kay Villanueva na mula Nobyembre hanggang Disyembre 2023 ay naipadala na ang mga tseke sa 1,506 OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi.

Dagdag pa ni Cacdac na naipadala na ng DMW sa Saudi Ministry of Human Resources and Development ang pangalan ng 14,007 claimants at 10,554 OFWs na nakapagpasa na ng kanilang Iqamas, o Saudi residence permits.

Nakikipagtulungan na rin ang DMW sa Land Bank of the Philippines para sa pagtulong sa mga claimant. RNT/JGC

Previous article200 PDLs mula Leyte, inilipat sa NBP; tutulong sa green revolution
Next article2 patay sa banggaan ng tricycle, pick-up truck sa Samar