Home NATIONWIDE Unprogrammed funds sa 2024 budget, ‘di pork barrel – Gatchalian

Unprogrammed funds sa 2024 budget, ‘di pork barrel – Gatchalian

MANILA, Philippines – Nanindigan si Senador Sherwin Gatchalian na ang unprogrammed funds sa 2024 national budget ay hindi ikinokonsiderang pork barrel funds dahil hindi nakikialam ang Kongreso sa implementasyon ng General Appropriations Act (GAA) sa oras na ito’y maisabatas.

Sa virtual briefing nitong Biyernes, Disyembre 22, tinanong si Gatchalian kaugnay sa pangamba ng ilang kasalukuyan at dating mambabatas patungkol sa unprogrammed funds, o standby appropriations na magagamit kapag ang revenue collection ay lumampas sa target, na maaaring magamit umano ng mga senador at kongresista.

Bilang tugon, sinabi ni Gatchalian na magkakaroon lamang ng pork barrel kapag nakialam ang Kongreso sa implementasyon ng badyet, na hindi na umano nangyayari sa ngayon.

“Sa akin kasi ‘pag sinabi mong pork barrel ang definition d’yan is post-enactment eh. Ibig sabihin gawa na ‘yong budget, tapos nakiki-alam pa rin ‘yong Kongreso. Wala nang nangyayaring ganyan, at dapat ring maghigpit ang Executive side na walang mangyaring ganyan, dahil ‘yong implementation ng budget ngayon nasa Executive side na eh,” anang senador.

“So importante na ‘di na pinakikialaman ng Kongreso ang budget after na-enact na ‘yong budget. So in that definition, wala naman akong nakikitang pork barrel issue,” dagdag niya.

Ang pork barrel, o Priority Development Assistance Fund system, o badyet na ibinibigay sa mga mambabatas para pondohan ang kanilang pet projects, ay idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema noong 2013.

Ang deklarasyon ay kasunod nang nadiskubre ng mga awtoridad na ilang mambabatas ang naglalagay ng PDAF sa kanilang bogus projects, at nakatatanggap ng kickback mula sa “non-existent non-government organizations” na inatasan para magpatupad nito.

Matatandaan na nakulong pa nga ang pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles dahil sa isyung ito.

Samantala, ipinaliwanag ni Gatchalian na naglagay sila ng ilang items sa ilalim ng unprogrammed funds upang masiguro na ang mahahalagang items ay maisaprayoridad sa 2024 budget.

“Kasi ang typical sa budgeting ‘di ba nagkakaroon ng for example, during the period of debate, the department will request let’s say additional items or additional projects, we cannot increase the budget ceiling. What we can, what Congress can do is it will take from another budget, and fund that budget. So nagkakaroon ng realignment,” ani Gatchalian.

“And sometimes, ‘yong realignment, pupunta rin ‘yon sa unprogrammed. For example, I’ll give you a very concrete example, may mga agencies nagrerequest, let’s say bibili tayo ng frigates or battleships ‘di ba, eh malaking pondo ‘yon eh, ang gagawin magbabawas let’s say sa isang department, popondohan ‘yong mga barko, tapos ‘yong para doong department naman na ‘yon ilalagay muna sa unprogrammed,” dagdag niya. RNT/JGC

Previous articleP20.4M shabu nasamsam sa Lapu-Lapu drug bust
Next articleN.1 variant, 39% ‘gang 50% ng COVID cases sa US – CDC