
ANO ang nakapagtataka kung isa-isa nang nagpupulasan ng takbo ang mga kaalyado sa politika ng macho president na si Rodrigo Duterte? Pitong mambabatas mula sa PDP-Laban ni Duterte ang naglipatan na sa Lakas-CMD, na pinamumunuan ni Speaker Martin Romualdez.
Pinalala pa ng matinding pambabatikos ni Duterte sa Kamara de Representantes, ang exodus ay isang hindi kaaya-ayang pangitain para sa isang dati ay solidong puwersang politikal sa panahon niya sa Malacañang. Ngayong nalimutan na ng bansa ang naturang panahon — patunay ang pansamantalang paglaya ng dating senador na si Leila de Lima mula sa piitan — tuluyan nang naglaho ang “magic” ng impluwensiya ni Duterte sa politika.
Siyempre pa, hindi niya naisip ito nang binastos niya ang mga binanatan niyang kongresista dahil lang sa pagkakait ng mga ito sa kanyang anak, si VP Sara Duterte-Carpio, ng confidential and intelligence funds nito para sa 2024. Kaya nagbunsod ng domino effect ang kanyang diretsahang pag-atake, nang tinawag niya ang Kamara bilang “pinakabulok na institusyon.”
Isang linggo makalipas iyon, apat na miyembro ng PDP-Laban ang nanumpa ng katapatan sa Lakas-CMD, ipinagbanduhan ang kanilang pagkadismaya sa dati nilang “Poong Digong” sa pagsapi sa partido ng mismong opisyal na tinawag ng anak ni Duterte na “tambaloslos,” kundi man mortal na karibal.
Kapansin-pansing ang mga tumiwalag ay naglipatan ng suporta kay Romualdez, na buong tapang na nangakong ipagtatanggol ang Kamara laban sa mga naninira sa imahe nito—isa mang Duterte o hindi. Sa larong chess na ito ng pulitika, walang pasintabi si Romualdez nang sinabi niyang ang panawagan ng publiko ay ang tunay na moral compass.
Ang Lakas-CMD, na nasisiyahan sa mga nadagdag, ay mayroon na ngayong 82 kasapi sa Kamara, naiwan ang PDP-Laban na magulo, habang si VP Sara naman, naiwan sa kangkungan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).