Home NATIONWIDE Uploading ng COCs sa website inaasahang maaaprubahan – spox

Uploading ng COCs sa website inaasahang maaaprubahan – spox

MANILA, Philippines- Inaasahan ng Commission on  Elections (Comelec) en banc na maaaprubahan ang resolusyon na magpapahintulot sa pag-upload ng certificates of candidacies (COCs) sa  website ng ahensya, ayon sa Comelec.

Sa public briefing, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na iminungkahi na ito ni Comelec Chairman George Garcia at asahan na maaaring lumabas na ang resolusyon upang maisapubliko at mai-upload ang lahat ng COC upang mapatuloy ang makatotohanang pagtakbo, tapat na pangangampanya, at higit sa lahat, accessible na impormasyon sa bawat botanteng Pilipino.

Ang mungkahi na i-upload ang mga COC sa website ng Comelec ay isinulong ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, na binanggit na magbibigay-daan ito sa mga botante na magsaliksik tungkol sa mga kandidato.

Sinabi ni Laudiangco na ang pag-upload ng mga COC, na mga pampublikong dokumento, at ang paggawa nito sa website ay magbibigay-daan din sa publiko na magsampa ng mga kaso sa halalan laban sa mga kandidato.

Ayon sa Comelec, kailangan ng kopya ng COC sa pagsasampa ng disqualification cases, pagkansela ng COCs, at mga petisyon para ideklara ang isang indibidwal bilang nuisance candidate, aniya.

Samantala, inirekomenda ni Garcia noong Biyernes sa en banc na ang mga natanggap na certificates of candidacy ay dapat na i-post sa website ng Comelec sa loob ng dalawang linggo mula sa huling araw ng paghahain ng COCs.

Kaugnay nito, inirekomenda rin ni Garcia sa Comelec Law Department at Information Technology Department na bumalangkas ng guidelines para sa panukalang ito para sa pag-apruba ng Commission en banc.

Ang mga alalahanin sa mga makatotohanang kandidatura ay sa gitna ng isyu ng suspendidong alkalde ng Bamban na si Mayor Alice Guo, na kinuwestiyon ang citizenship dahil sa umano’y mga kaduda-dudang dokumento na nagsasaad na siya ay isang Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden