Home METRO Utility worker sa loob ng mall, arestado sa buy bust ops

Utility worker sa loob ng mall, arestado sa buy bust ops

LAPU-LAPU CITY, Cebu- ARESTADO ang isang utility worker na high value target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7 sa isinagawang buy bust operation sa loob ng mall nitong gabi ng Sabado, Nobyembre 25 sa lungsod na ito.

Kinilala ng PDEA 7 ang suspek na si Ronald Legaspi, 30, at taga-Labogon, Mandaue City.

Sa pinagsamang operasyon ng mga tauhan ng PDEA 7, Naval Forces Central, at Lapu-Lapu City Police Office, bandang 6:20 ng gabi nadakip ang suspek sa loob ng isang mall na matatagpuan sa Barangay Pusok, ng naturang lungsod.

Nakuha sa suspek ang dalawang malalaking supot na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 50 gramo na may estimated market value na ₱340,000, buy-bust money at cellphone.

Ayon kay Leia Alcantara, information officer ng PDEA 7, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidades ng suspek at agad na isinailalim sa monitoring ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Sinabi pa ng PDEA-7 na kayang magbenta ng suspek ng 50 gramo sa loob ng isang linggo.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleMunisipalidad sa Davao Occidental, niyanig ng magkasunod na lindol
Next articleEx-Pres Duterte handang humarap sa kaso sa alinmang korte sa bansa – Bato