MANILA, Philippines – Kailangang magpakita ng kanilang COVID vaccination card o negative RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 oras ang lahat ng dadalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa Hulyo 24, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Sa ipinalabas na memorandum ni Velasco ay nakasaad na mandatory ang pagpapakita ng vax card o negatibong PCR test gayundin ang temperature check habang opsyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask.
Ang mga guest na mayroong SONA invitation at seat card ang sila lamang din na papayagan na pumasok sa House Plenary, ang pintuan sa plenaryo ay bubuksan alas-2:00 ng hapon at isasara eksaktong alas-3:00 ng hapon.
Sinabi ni Velasco na ang lahat din ng gate sa Batasan Complex ay isasara pagdating ni Pangulong Marcos at bubuksan lamang muli kapag nakaalis na ito sa premises.
Mahigpit na ipatutupad ang “NO SONA 2023 Car Pass, No Entry” policy sa araw ng SONA.
Idinagdag pa ni Velasco na inaasahan nilang hindi magdudulot ng traffic ang pagpasok ng mga sasakyan dahil color coded ang kanilang gagawin, ang mga sasakyan na binigyan ng kulay beige, violet, at asul na car pass ay maaaring pumasok sa South gate habang ang ibang kulay ay sa North gate ng Batasan Complex. Gail Mendoza