MANILA, Philippines – Depresyon ang hinihinalang ginawang pagpapakamatay ng isang 30-anyos na vendor makaraan umanong madiskubre ng live-in partner nito na nakabigti na ang una sa loob ng banyo sa kanilang bahay sa Parola Compound Tondo, Lunes ng umaga, Hulyo 31.
Kinilala ang biktima sa pangalang “Emmanuel.”
Base sa ulat na nakarating kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, bandang 6:00 ng umaga nang madiskubre ng kanyang kinakasama ang nakabiting biktima gamit ang electrical wire.
Agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay at saka mabilis na isinugod sa Gat.Andres Bonifacio Memorial Medical Center, subalit dakong 6:48 ng umaga nang ideklarang dead on arrival na ito ni Dr. Racel Koon, Attending Physician.
Sa imbestigasyon ng pulisya, salaysay ng kinakasama ng biktima na marami na umanong beses na nagtangkang magpakamatay ang mister na ayaw naman nitong banggitin ang dahilan kapag sila umano ay nagtatalo.
Gayunman, isinailalim sa awtopsiya ang bangkay at habang hinihintay ang resulta nito ay nagpapatuloy naman ang imbestigasyon. Rene Crisostomo