MANILA, Philippines – Naniniwala si DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na mayroon nang local transmission ng COVID-19 Omicron subvariant na XBB.1.16 kung isasaalang-alang na wala nang linkage sa mga kamakailangang kaso na nakita.
Aniya, nakipag-usap na ang DOH sa mga eksperto mula noong nakaraang linggo at batay sa kanilang nakikita na wala nang kaugnayan sa alinman sa mga kasong ito na natukoy, na mayroon nang local transmission ng Arcturus tulad ng alinman sa ibat-ibang subvariant ng Omicron variants sa bansa.
Kasalukuyan nang mayroong apat na kumpirmadong kaso ng Arcturus sa bansa matapos matukoy sa genome sequencing ang karagdagang tatlo mula sa Western Visayas.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na walang dapat ipag-alala tungkol sa posibleng local transmission basta’t sumunod lamanag sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask kung kinakailangan at pagpapabakuna at booster.
Umabot sa 1,798 ang average ng arawang kaso ng COVID-19 ngayong linggo na nasa 28% na pagtaas mula sa kaso na naitala mula Mayo 2 hanggang Mayo 8.
Ang national positivity rate ay umakyat din sa 23.5% mula noong nakaraang linggo na nasa 20% lamang. Jocelyn Tabangcura-Domenden