Taipei, Taiwan – Naging laugh trip ang pinakabagong entry ni Vice Ganda sa kanyang vlog kung saan ginudtaym niya ang kanyang mahal na inang si Nanay Rosario.
Sa hotel sa Taiwan kung saan sila naka-check in na mag-ina kasama ang mga kapatid ay nag-conduct ang komedyante ng maleta raid sa kanyang nanay.
Sa nabanggit na vlog, inokray ng “It’s Showtime host” ang kanyang madir sa pagsasabing dapat daw ay mabawi nito ang nagastos sa Louis Vuitton bag na iniregalo sa madir kaya bet niyang pagkakitaan ito sa views ng pinakabagong episode sa kanyang YouTube channel.
Sa hotel, binuksan ni Vice ang laman ng maleta ni Nanay Rosario.
Sa loob ng bag, nakakita siya ng pulang kandila kaya naman inalaska niya ang nanay na baka raw may lahing mangkukulam ito dahil nagtatabi ng ganoong klaseng kagamitan na aniyaý ginagamit lamang sa mga ritwal.
Hindi pa nagkasya roon si Vice dahil ibinalandra rin niya ang lumang bra at panty na natagpuan niya sa bag.
Nakipaghagisan din siya ng naturang underwear sa kanyang ina.
Binalahura rin ni Vice ang kanyang nanay dahil ginudtaym niya ito sa natagpuang vibrator, condom at maging lubricant sa loob ng luggage nito.
Todo tanggi naman si Nanay Rosario na kanya ang mga nasabing gamit dahil hindi raw siya gumagamit ng mga iyon.
Nagulat din siya dahil pati imbudo at mga gulay ay nakasama sa kanyang mga bagahe.
Hirit niya, nagtataka raw siya dahil siya mismo ang nag-impake ng kanyang mga gamit bago pa man sila tumulak ng Taiwan.
Naiinis man sa kanyang totoy na si Vice na siyang may pakana ng lahat ay wala na ring nagawa ang ina kundi ang sakyan ang mga kalokohan nito. Archie Liao