Home NATIONWIDE Villanueva sa paratang na friendship sila ni Napoles: ‘Liars go to hell’

Villanueva sa paratang na friendship sila ni Napoles: ‘Liars go to hell’

MANILA, Philippines – Nagsimula nang lumantad ang ilang kasinungalingan sa kampo ni House Speaker Martin Romualdez upang pagtakpan ang pagsusulong nito sa pekeng peoples initiatives na nangalap ng lagda kapalit ng P100 ayuda, ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva.

Partikular na tinutukoy ni Villanueva si Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI) President Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co hinggil sa pagtatakip ng kanilang pagkilos sa “fake” People’s Initiative (PI).

“Lahat iimbentuhin, kapag desperadong mapagtakpan ang mabaho at pekeng PI nila,” ayon kay Villanueva sa mensahe nito sa reporters.

Tugon ito ni Villanueva sa statement ni Co sa isang radio interview na bumabatikos sa senador matapos mapikon sa salita nitong “Who is he?” sa hamon ni House Majority Leader Zamboanga City 2nd district Rep. Mannix Dalipe na ilantad ang kanilang posisyon sa Charter change (Cha-cha).

“Unang-una si Senator Joel ho ay dati naman siyang party-list [congressman] and masyado ho atang mayabang ang ating senador. At alam naman ho natin kung sino siya,” ani Co.

“Kilala naman ho natin si Senator Joel Villanueva kung sino siya e. Siya ho ay perpetually disqualified sa nadesisyunan ng Ombudsman. Pero mukhang na-apela ho niya,” ayon kay House Committee on Appropriations chairman.

“Pero alam ho niya, natin, na marami siyang kaso sa Ombudsman. And alam natin na best friend siya ni Napoles, barkada siyang todo ni Napoles,” ayon kay Co na tumutukoy kay Janet Lim Napoles na nakakulong dahil sa pork barrel scam.

Kaya’t tinugon ni Villanueva ang naturang paratang na “Liars go to hell” sabay tawa na may emoji.

Nagsilbi si Villanueva bilang CIBAC Party-list representative sa Mababang Kapulungan mula 2002 hanggang 2010. Ernie Reyes

Previous articlePanukalang pagsasanay ng maraming Pinoy sa healthcare, IT sectors suportado ni PBBM
Next articleMag-amang magsasaka timbog sa mga baril, bala sa Bulacan