Manila, Philippines – Naputol ang winning streak ng Voltes V nang talunin ito ng Batang Quiapo base sa naitalang ratings nitong May 24, Miyerkoles.
Direktang magkabangga ang VV sa GMA at BQ sa ABS-CBN.
Kung tutuusin, marginal lang naman ang inilamang ng serye ni Coco Martin na nagtala ng 12.6 kontra sa Pinoy adaptation ng Japanese animè series na 12.5.
Ang mga nasabing pigura ay nakalap ng Nielsen Philippines.
Ang pagkakaungos ng BQ by .1% ay ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo ito sa VV.
Matatandaang umere ang pilot episode ng VV nitong May 8.
Mula noon ay pinadadapa nito ang BQ.
Sayang dahil kuntodo pa ang ginawang pagha-hype ng GMA sa May 24 episode ng VV.
Ito’y kung saan nagsimula na ang major battle scene sa pagitan ng VV robot at Boazanian beast fighter na si Dokugaga.
Tanong ng mga netizens: hindi raw kaya a la tsamba lang ang pagkapanalo ng BQ?
Hanggang kailan daw nila masu-sustain ang mas mataas nitong rating kumpara sa katapat na show?
Maaaring ikatwiran ng produksyong bumubuo ng VV na .1% lang naman ang inilamang ng BQ.
Oo nga’t napakaliit lang ng agwat, pero suma tutal ay talo pa rin ang VV!
Bawi na lang sa susunod, ‘di ba? Ronnie Carrasco III