Home NATIONWIDE Voter’s ID sinisilip ibalik ng Comelec

Voter’s ID sinisilip ibalik ng Comelec

MANILA, Philippines- Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbabalik ng voter’s identification cards, na binanggit ang kagustuhan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, kabilang sa mga tinitingnang detalye ay kung saan kukunin ang pondo para sa panukalang pagbabalik ng mga ID card.

“Dahil nga po may clamor pa rin sa voter’s ID, inaaral na po ng Comelec na maibalik. ‘Yan ang tinitingnan na lang namin ‘yung gastos po kasi kung paano ba ang magiging sistema,” sabi ni Laudiangco.

Sinabi ni Laudiangco na kabilang sa mga sistemang ikinokonsidera ng poll body ay ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa Land Transportation Office (LTO) o Philippine National Police (PNP) kapag ang mga indibidwal ay nagparehistro ng kanilang mga baril.

Nakatakda ring suspendihin ng Comelec ang pangongolekta ng mga bayarin para sa issuance at pagpapalabas ng voter’s certification ngayong Lunes, Pebrero 12, bilang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Botanteng Pilipino o ang National Voters Day.

Magsisimula ang voter registration ngayong Lunes, kung saan inaasahan ng Comelec na hindi bababa sa 3 milyong Pilipino ang magpaparehistro bago ang 2025 midterm elections. Ang panahon ng pagpaparehistro ay tatakbo hanggang Setyembre 30, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePCG: Chinese vessels muling nagsagawa ng ‘dangerous maneuvers’
Next articlePamilya sugatan sa pamamaril!