Home NATIONWIDE VP Sara at PBBM, walang problema sa isa’t isa

VP Sara at PBBM, walang problema sa isa’t isa

MANILA, Philippines – SINABI ni Vice President Sara Duterte na wala silang problema at isyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay sa kabila ng ginawang pambabatikos ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kay Pangulong Marcos ilang linggo na ang nakalilipas.

“We have no problem with each other. President Bongbong Marcos and I are doing good. We are okay in terms of our relationship,” ayon kay VP Sara sa isang panayam matapos usisain ukol sa kanilang relasyon ng Pangulo.

Bukod dito, nang tanungin naman hinggil sa ugnayan nila ni Unang Ginang Liza Araneta Marcos, sinabi ni VP Sara na “I have no comment as of this time.”

Matatandaang, nang lumipad patungong Vietnam ang Pangulo para sa kanyang dalawang araw na state visit doon, nakita sa video ang magandang pakikitungo sa isa’t isa nina Pangulong Marcos at VP Sara habang kapansin-pansin naman ang pang-dededma ng Unang Ginang sa kanya (VP Sara).

Winika ng Bise-Presidente na hindi pa sila nag-uusap ng kanyang ama na si Digong Duterte at kapatid na si Baste.

Hindi naman aniya siya tinanong ni Pangulong Marcos kung may sinasabi ang kanyang ama at kapatid laban sa kanya (Pangulong Marcos).

Sa rally sa Davao City ilang linggo na ang nakararaan, tinawag ni Digong Duterte si Pangulong Marcos na drug addict at nanawagan na itigil ang people’s initiative para sa Charter change.

Ayaw namang patulan ni Pangulong Marcos ang alegasyon ni Digong Duterte na siya ay drug addict. Ang buwelta lamang ng Pangulo ay posibleng epekto ito ng iniinom na

pain reliever Fentanyl ni Digong Duterte ilang taon na ang nakalilipas habang nanawagan naman si Baste kay Pangulong Marcos na magbitiw na ito sa puwesto. Kris Jose

Previous articleImbes ihele, sanggol patay matapos ihagis ni tatay!
Next article‘Impolite intrusion’ ng ICC, UN sa Pinas pinatatalupan sa Senado