MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo na hindi niya nais na tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2028 national elections.
“Hindi ko naman talaga ambisyon na tumakbong vice president and lalong lalo na ang president. Alam niyo naman lahat ‘yan. Sinabi ko noon na hindi ko gustong tumakbong president,” pahayag ni Duterte.
Sinabi pa ng Bise Presidenten na nakasalalay sa Diyos ang mga plano niya para sa hinaharap.
“Lahat ng ginagawa natin, we can only plan, but it will truly be God’s plan that will prevail,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Duterte na naniniwala siyang tiwala pa rin sa kanya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng ulat sa “lamat” sa kanilang UniTeam coalition.
“We’re okay,” ani Duterte nang tanungin ukol sa relasyon niya kay Marcos.
Sa paglitaw ng umano’y planong impeachment laban sa kanya ng ilang miyembro ng Kamara, sinabi ni Duterte, “We are currently doing our due diligence about this one, and then we will release a comment at the appropriate time.”
Pinabulaanan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo nitong Huwebes na tinatalakay ng House members ang posibilidad ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Samantala, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na “nothing in the offing” ukol sa umano’y impeachment talks laban sa Bise Presidente.
“Nothing filed, no news of that,” pahayag ni Romualdez, at sinabing hindi niya alam kung saan nagmula ang ulat na ito.
Inilahad ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list lawmaker France Castro nitong Miyerkules ng gabi na pinag-uusapan ng ilang pinuno ng political parties sa Kamara ang pagpapatalsik kay Duterte. RNT/SA