Home NATIONWIDE VP Sara kasuhan vs CIFs, ‘kung may ebidensya kayo’ – Bato

VP Sara kasuhan vs CIFs, ‘kung may ebidensya kayo’ – Bato

MANILA, Philippines- Hinamon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kritiko ni dating Davao City Mayor, ngayo’y Vice President Sara Duterte na magsampa ng kasong kriminal o paglulustay ng pondong inilaan sa confidential at intelligence funds, kung may sapat na ebidensya.

Sinabi ni Dela Rosa na kung may matitibay at solidong ebidensya na nilustay ni Duterte ang pondo sa CIFs, dapat magsampa agad ng kaso ang kanyang mga kritiko.

Kung siya ang tatanungin, sinabi ni Dela Rosa na wala itong nakikitang mali kung paano ginastos ni Duterte ang CIFs na nakalaan sa kanyang tanggapan habang nanunungkulan ito bilang alkalde ng Davao City. 

Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na ang Davao City ang biggest spender ng confidential funds sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa mula 2016 hanggang 2022 na kinuwestiyon ng kritiko kabilang ang paggastos ng mahigit P125 milyon, 11 araw bago magtapos ang Disyembre 2022.

Humihingi si Duterte ng P150-million CIF para DepEd at P500-million sa OVP.

“Wala ako nakita mali ginawa, kung may nakita ako, sasabihan ko sya mali yan day, napakaganda ng kanyang hangarin na maiwasan ang kabataan na marecruit sa armado, CPP-NPA, lahat tayo parents gusto natin,” ayon kay Dela Rosa.

Kilala si Dela Rosa bilang pangunahing kaalyado ng pamilya Duterte, na nagsasabing normal lamang para sa bise presidente na batikusin ang kumukuwestiyon sa kanyang paggamit sa CIF.

“Well, sino ba di magagalit na yun pag question, it is tantamount to accusing you of corruption and malpractices,” aniya.

“Normal lang sa tao yan na mag react in that manner. Kung may ebidensya tayo na ibinulsa,  kasuhan natin. Ako mismo kahit close na close si VP, parang kapatid, kung may ebidensya kasuhan natin,” giit pa ng senador na dating hepe ng pulisya sa panahon ng dating Pangulong Duterte.

 “May punto siya dyan. Nakita mo sino nagkukumahog mawala ang CIF ay mga kaliwa, at kaalyado ng kaliwa. Sino ba tatamanan ng CIF? Alam natin gagamitin ni VP Sara yung CIF sa kaliwa,” giit niya. Ernie Reyes

Previous articleLJ Reyes, ikinasal na!
Next articlePura Luka Vega nakapagpiyansa na