Home NATIONWIDE VP Sara kumalas na kay Marcos

VP Sara kumalas na kay Marcos

MANILA, Philippines – KUMALAS sa administrasyong Ferdinand Marcos, Jr. si Vice President Sara Duterte matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay PCO Secretary Cheloy Garafil, tinanggap ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Duterte epektibo sa Biyernes, Hulyo 19.

Sinabi ni Garafil na tumanggi si Duterte na magbigay ng dahilan kung bakit siya nagbitiw sa kanyang posisyon.

“Magpapatuloy siya sa pagsisilbi bilang Bise Presidente. Nagpapasalamat kami sa kanyang serbisyo,” sabi ni Garafil sa maikling pahayag.

Wala pang impormasyon ang PCO kung sino ang papalit kay Duterte bilang DepEd Secretary.

Hinikayat ni VP Sara Duterte ang mga panalangin para sa kapayapaan, kaligtasan ng PH sa Eid’l Adha

Pinaigting ng DepEd ang mga aralin laban sa vape, tabako at sa bagong K-10 curriculum

Si Duterte ay runningmate ni Marcos sa Eleksyon 2022 sa ilalim ng UniTeam.

Matatandaan na inamin ng misis ni Marcos na si First Lady Louise ”Liza” Araneta-Marcos, na masama ng loob niya sa Bise Presidente matapos tawagin ng ama ni Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Pangulo na “bangag” o high sa droga.

Sinabi ng Unang Ginang na nasaktan siya nang makita niyang natatawa ang Bise Presidente sa sinabi ng dating Pangulo sa isang rally sa Davao City noong huling bahagi ng Enero upang tutulan ang mga pagsisikap na amyendahan ang 1987 Constitution.

Noong Pebrero, sinabi ng Bise Presidente na wala silang isyu sa isa’t isa ni Marcos kahit na pinuna ng kanyang ama at kapatid na si Davao City Mayor Sebastian ”Baste” Duterte ang Chief Executive.

Sa kabila ng sama ng loob ng kanyang asawa, sinabi ni Marcos na wala siyang nakikitang dahilan kung bakit kailangang palitan si Duterte sa kanyang Gabinete. RNT