Home NATIONWIDE VP Sara nagpasalamat sa mga Pinoy sa mataas na survey ratings ng...

VP Sara nagpasalamat sa mga Pinoy sa mataas na survey ratings ng DepEd sa OCTA

MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Sabado, Disyembre 9, sa pinakabagong resulta ng OCTA Research study, kung saan ang Department of Education (DepEd) ang itinuturing na most trusted at top performing government agency.

Sa ilalim ng liderato ni Duterte, ang DepEd ay nanguna sa trust at performance sa Tugon ng Masa third quarter 2023 nationwide survey ng OCTA Research.

“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa mamamayang Pilipino para sa patuloy na tiwala at suporta na ibinibigay ninyo sa DepEd,” ani Duterte.

Iginiit din niya na ang resulta ng poll ay hindi magiging posible ng pagsisikap ng lider lamang o ng iilang miyembro.

“Ito ay bunga ng kapit-bisig na pagtutulungan at pinagsama-samang kakayahan tungo sa iisang mithiin ng mga taong may pagmamahal sa bansa,” sinabi pa ni Duterte.

“Ang pagkilala na ito ay ang pagkilala sa dedikasyon at puso sa serbisyo publiko ng ating mga guro, kawani, parents’ support groups, private partners at stakeholders na nagkakaisang tuparin at buuin ang pangarap ng bawat batang Pilipino,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ni Duterte sa publiko na magpapatuloy ito sa paglaban para sa maayos na edukasyon at seguridad para sa mga kabataang Filipino dahil ito umano ay kritikal para sa pag-abot sa mas matatag na bansa.

Sa Tugon ng Masa Survey, nagkamit ang DepEd ng 79% trust rating at 80% performance ranking.

Karamihan sa adult Filipinos na nagtitiwala sa ahensya ay mula sa Visayas at Mindanao, na nagbigay sa ahensya ng 88% rating. RNT/JGC

Previous articleKC, proud na masampal ni Juday!
Next article25 OFWs na sakay ng barkong tinamaan ng Russian missile, nakauwi na