Home NATIONWIDE VP Sara nagtataka kung bakit inaatake siya ni Romualdez

VP Sara nagtataka kung bakit inaatake siya ni Romualdez

MANILA, Philippines – NAGTATAKA si Vice President Sara Duterte kung bakit siya inaatake ni House Speaker Martin Romualdez sa kabila ng pagiging kaalyado siya ng administrasyong Marcos.

“Kumusta kaya relasyon naming dalawa?”ang tugon ni VP Sara nang tanungin ng mga mamamahayag ukol sa estado ng kanyang relasyon kay Romualdez.

Ang paliwanag ni VP Sara, gagamitin na lamang niya ang simpleng sinabi ni Senador Imee Marcos sa paglalarawan nito sa kanilang relasyon.

“The very best description and comment kung ano ang relasyon namin ni Speaker Martin Romualdez ay galing kay Senator Imee Marcos — marami ang hindi nakakaintindi bakit inaatake mo ang kaalyado ng administrasyon,” ang sinabi ni VP Sara.

Tinukoy ni VP Sara ang kamakailan na pahayag ni Imee Marcos na may tampo sa kanya ang kanyang pinsan na si Romualdez simula pa noong Oktubre ng nakaraang taon matapos na ihayag ng senadora ang kanyang suporta sa mga Duterte.

“Si Speaker alam ko may tampo sa akin mula pa October. Bakit ako kumakampi sa mga Duterte? Sabi ko ‘di ako kumakampi, sa akin lang kasamahan natin ‘yan, kaalyado natin ‘yan; higit sa lahat, kaibigan na wala namang ginagawang masama. Bakit natin aawayin?” ayon kay Imee Marcos.

Sa ulat, nagsimula ang “hindi pagpapansinan” nina VP Sara at Romualdez noong Hunyo nang magkaroon daw ng tangkang kudeta para patalsikin si Speaker Martin. Inalis sa pwesto si dating Pangulong Gloria at nagresign naman sa Partido Lakas si VP Sara. Nagkapersonalan din nang hindi banggitin ni VP Sara ang apelyidong Romualdez sa isa sa mga public occasions.

Kasunod na sumiklab naman ang mga problema ni VP Sara sa House of Representatives. Una, ang kanyang P 650-M “confidential funds” sa 2023 national budget, na sa huli hindi na raw siya interesado. Ikalawa ang na-expose na super-bilis niyang paggastos sa nakalipas na P150-M confidential funds noong 2022 budget at bukod dito, pati noong panahon niya bilang Davao City Mayor ay pinapasiyasat din. At ikatlo, ang pinauugong na “impeachment” na hindi raw totoo at mismong si Pangulong Marcos ang nagsabing hindi dapat.

Bilang depensa sa anak, hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na imbestigahan din ng Ombudsman ang lahat ng mga mga “confidential funds” ng Kongreso lalo na si Speaker Romualdez. Pumayag dito ang Senado pero, wala pang reaksyon ang mga kongresista kung sila ay handa sa audit. Marami ang naniniwala na maraming kongresista ang mahahagip kapag nag-imbestiga ang Ombudsman. Kris Jose

Previous articlePag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon suportado ng Finance chief
Next articleWalang bagong buwis na ipapataw ngayong taon – Recto