MANILA, Philippines – Dapat umanong maging transparent ang mga opisyal ng gobyerno sa paggamit ng kaban ng bayan.
Mensahe ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mga sangay ng gobyerno ng bansa, maging tapat sa paggasta ng pondo ng bayan at
magpaliwanag upang maiwasan ang anumang pagdududa at kontrobersiya ng katiwalian.
Ito ay kaugnay sa kontrobersyal na usapin ng confidential funds sa 2024 National Budget partikular na sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo at Kagawaran ng Edukasyon na parehong pinangangasiwaan ni Vice President Sara Duterte.
“Ang kailangang ipaliwanag na mabuti ay para saan gagamitin ang confidential funds at bakit napakalaki ang confidential funds ng OVP at Department of Education. Ang ayaw magbigay ng paliwanag at magbigay ng accounting kung saan ito ginagamit ay baka may itinatagong pagnanakaw,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na pagod at sawa na ang taumbayan sa patuloy na katiwalian sa pamahalaan na bunga ng kakulangan ng ‘transparency’ sa paggamit ng kaban ng bayan kaya’t napapanahon nang maging tapat ang mga opisyal at sangay ng pamahalaan.
Pinayuhan ng Obispo na maging responsable ang mga opisyal ng iba’t ibang sanggay ng pamahalaan sa paggastos sa kaban ng bayan na nagmula sa buwis ng bawat mamamayan na dumaranas ng kahirapan.
Naunang binigyang diin ni Vice President Sara Duterte na “kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”
Patuloy na ipinaalala ng Simbahan na mahalaga ang katapatan ng mga opisyal ng bayan sapagkat karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan kung saan at paano ginagamit ang pondo ng bayan na dapat sana ay para sa mga programa at serbisyo para sa taumbayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden